Kitang-kita ang kaligayahan sa aura ngayon ni KC Concepcion. Mukhang nakita na nga niya ang lahat ng katangiang hinahanap niya sa isang lalaki sa French boyfriend niyang si Pierre Emmanuel Passart.
Hindi binibigyan ni KC ng panahon ang mga bashers na nagsasabing kalbo na ay matanda pa ang kanyang boyfriend. Lampas treinta anyos lang ang lalaki, nagkataon lang na maagang nagpaalam ang buhok nito, kaya parang malayo ang edad ni Pierre sa dalaga ni Sharon Cuneta.
Sa tanong kung papunta na ba sa kasalan ang kanilang relasyon ng Pranses ay puro ngiti lang ang sagot ni KC. Napag-uusapan nila ang tungkol du’n, pero sa ngayon ay wala pa silang plano, makapaghihintay ang pagharap sa altar kung si KC ang tatanungin.
Bigla siyang tumawa sa interview dahil dalawang tatay raw ang maghahatid sa kanya sa altar kapag nagkataon. Ang kanyang biological father na si Gabby at ang kinagisnan niyang amang si Senador Kiko Pangilinan.
“Kailangang dalawa silang makasama ko sa paglakad sa church, pareho silang mahalaga sa akin!” tawa nang tawang pahayag ng mabait na ay maganda pang si KC Concepcion.