Magnolia Hotshots nakisalo sa top spot


AGAD na rumatsada ang Magnolia Hotshots sa pagsisimula ng laro para tambakan ang Columbian Dyip, 113-95, sa kanilang 2018 PBA Governors’ Cup game Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum.

Bunga ng panalo, nasungkit ng Hotshots ang kanilang ikatlong sunod na panalo at nakasalo sa liderato ang Barangay Ginebra Gin Kings sa hawak na 5-1 kartada.

Nagtala si Romeo Travis ng double-double sa kinamadang 32 puntos at 14 rebound na sinamahan pa niya ng pitong assist habang si Mark Barroca ay nagdagdag ng 16 puntos at tatlong steal mula sa bench.

“This is a very important game for us. I told my players whatever our mindset was against San Miguel and Rain or Shine, we need to have it against Columbian because we can’t afford to relax. We need to finish strong,” sabi ni Magnolia head coach Chito Victolero.

Nagmula sa pagtala ng mga impresibong panalo kontra Rain or Shine Elasto Painters at San Miguel Beermen, maagang rumagasa ang Magnolia sa pagtutulungan nina Travis, Barroca, Paul Lee at Jio Jalalon.

Tumirada ang Hotshots ng 51 porsiyento mula sa field goal shooting, nagbigay ng 31 assist at nagawa pang doblehin nito ang 14-puntos na kalamangan sa halftime matapos ang layup ni Robbie Herndon mula sa pasa ni Jalalon, 77-49, may 7:11 ang nalalabi sa ikatlong yugto.

Si Lee, na nag-average ng 25 puntos sa kanyang huling dalawang laro at pinaranglan bilang PBA Player of the Week, ay hindi na kinailangang umiskor ng husto sa pagkakataong ito subalit nagtipon siya ng 13 puntos, limang rebound at dalawang assist habang si Jalalon ay nag-ambag ng anim na puntos, tatlong rebound, siyam na assist at dalawang steal para sa Hotshots.

Nagpatuloy naman ang kamalasan ng Dyip matapos malasap ang ikapitong diretsong pagkatalo sa ganun din karaming laro.  Kumamada si Jackson Corpuz ng 20 puntos at siyam na rebound habang si Akeem Wright ay nagdagdag ng 19 puntos at walong rebound para sa Columbian.

Read more...