Di naghahabol si Pacman

“Lucky Shot” ni Barry Pascua
SINO ba talaga ang atat na atat na matuloy ang laban nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr.?
Eh, sino pa nga ba kundi si Mayweather, Jr. mismo at ang Golden Boy Promotions!
Sinabi na nga ni Bob Arum na magmu-move on na si Pacquiao at lalabanan na lang nito ang welterweight na si Joshua Clottey, aba’y nagpipilit pa rin ang Golden Boy Promotions. Ipinangangalandakan ng Golden Boy Promotions CEO na si Richard Schaefer na ang Pacquiao-Mayweather, Jr. fight ay may potential na makapagbigay ng maraming salapi sa Filipino champion. Baka raw hindi ito nauunawaan ni Pacquiao!
Baliw ba sila? Alam ni Pacquiao iyon! Pero handa si Pacquiao na talikuran iyon!
Ang sitwasyon ay parang sa magsyotang nag-split at ang isa’y handa na ngang umusad at nakahanap na nga ng ibang karelasyon. Pero ang iniwan ay naghahabol pa at sinasabing “wala ka nang makikitang katulad ko! Kaya bumalik ka na sa akin!”
Bitter? Conceited?
Sa totoo lang, hindi naman kailangan ni Pacquiao si Mayweather, Jr. para kumita ng malaki sa kanyang mga laban. Si Pacquiao ang pinanonood ng mga boxing fans. Hindi si Mayweather!
Kahit sino pa ang kalabanin ni Pacquiao, siguradong blockbuster. Pero si Mayweather e wala na.
Kahit sino ang kalabanin ni Pacquiao, kikita siya. Ewan ko lang kung kikita pa si Mayweather?
At dahil sa si Pacquiao ang magiging top drawer kung sakaling matutuloy pa ang salpukan nila ni Mayweather, aba’y dapat na si Pacquiao ang masunod kung saan, kailan, sa paanong paraan at kung anu-ano pang mga detalye.
Lipas na ang panahon ni Mayweather na gumawa ng kung anu-anong demands.
Hindi nga ba’t nag-“unretire” siya upang kahit paano’y makakuha ng spotlight matapos na patulugin ni Pacquiao si Hatton? Nainggit siya, e! Bigla niyang naisip na “heto ang pagkakataon para uli akong kumita ng limpak-limpak na dolyares.”
Siya itong naghahabol kay Pacquiao, siya itong nangangarap pa’ng kumitang muli ng malaki manalo man o matalo, aba’y siya ang dapat na sumunod sa gusto ni Pacquiao!
Wala siyang karapatang gumawa ng kung anu-anong demands. Kasi nga, hindi siya hinahabol ni Pacquiao. Kumbaga, si Pacquiao ‘yung magarang kotse at si Mayweather ‘yung asong humahabol dito!
Ngayon ay nanganganib na mauwi lang sa wala ang pagbabalik na ginawa ni Mayweather sa lona.
Kung gusto ni Mayweather at ng Golden Boy Promotions na matuloy pa ang laban, aba’y sila ang yumuko at magbigay.
Wala silang karapatang diktahan ang kampeon!

Barry Pascua, Lucky Shot
BANDERA, 011110

Read more...