Kampanya nakanganga

TAYO na sa kanayunan, sa Poblacion Barangay 6 (Bliss),
Taft, Eastern Samar (meron po kasing Bandera rito at may mga tagasubaybay tayo).
Pinulsuhan natin ang kamalayan at kaalaman ng ilang residente, na karamihan ay mahihirap, maliban sa iilan na may dumarating na pera galing sa abroad. Nakatutuwang pagmasdan ang mga bata (hindi pa sila botante) na sumasabay sa jingle ng isang presidentiable (di pa siya lubos na kandidato dahil di pa opisyal na nagsisimula ang kampanya para sa eleksyon sa Mayo pero matagal nang nagsimula ang pakilala, paramdam at pakikipagkamay).  Itinataas nila ang kanilang boses sa linya na ang lalaking ito lamang ang makapag-aahon sa kanilang kahirapan. Sinasabayan din nila ang jingle ng isang presidentiable, lalo na ang linya na tila hamon ng taumbayan: “Sulong…”
Kapuna-puna ang dalawang infomercial; ng presidentiable at vice presidentiable.  Sa saliw ng mga makabayang awit ay nakanganga lamang sila, simula sa simula, hanggang sa pagtatapos ng awit na pumupukaw sa damdaming makabayan.
Bakit nga ba sila nakanganga, tanong ng matatanda.  Yan na ba ang uso ngayon?  Hindi na magsasalita ang naghahangad ng mataas na puwesto sa gobyerno?  Nasaan na ang mga mananalumpati?  Ang magigiting na mga nagsasalita sa entablado?  Wala na bang sumunod sa pangungumbinsi ni Amang Rodriguez (ang kanyang ilang di makalimutang Ingles ay, “you parade the car,” iparada mo ang kotse; “there is diligence in Customs,” may delihensiya sa Customs; at “session is presumed,” sa muling pagsisimula ng sesyon sa Senado); sa mga oratoryo nina Jovito Salonga at Teofisto Guingona?
Manapa’y nawala ang kinang ng talumpati nang mangampanya sina Corazon Aquino (maybahay at balo, na ang tanging “bomba” ay banat kay Marcos sa simula’t sa huli) at Fidel Ramos (naunawaan naman siya ng taumbayan dahil siya’y sundalo).
Sumigla ang tila tono ng talumpati nang mangumbinsi si Joseph Estrada, kahit pilipit ang dila at mali-mali ang ilang programa, lalo na sa ekonomiya, dahil artista ito at marunong umarte at bumigkas ng script.
Kailangang kilatisin at pakinggan ang gustong maglingkod sa bayan.  Kailangang tumimo ang kanyang sinabi sa taumbayan, at hindi makitang nakanganga na lamang.

BANDERA Editorial, 011110

Read more...