Video ng solon na tumangging maghubad ng sapatos sa airport security check nag-viral

NAIA

NAG-viral sa social media ang video ng isang kongresista na mukhang nainis sa isang security personnel na sumita sa kanya dahil hindi niya inalis ang kanyang sapatos nang dumaan sa metal detector machine.

Makikita sa video na dumaan si ACTS-OFW Rep. Aniceto Bertiz sa metal detector at hindi inalis ang kanyang sapatos.

Ipinatatanggal ang sapatos ng mga dumaraang pasahero bilang bahagi ng security measure. Kinakapkapan din ang mga dumaraan sa metal detector. Nangyari umano ito sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2.

Batay sa video, nilapitan ni Bertiz ang lalaki na nangangapkap at ipinakita ang kanyang NAIA Security ID.
Bago dumaan si Bertiz ay nauna sa kanyang pumasok si Ilocos Norte Rep. Imee Marcos na nakitang isinusuot ang kanyang hinubad na sapatos paglagpas sa metal detector.

Samantala, sinabi ni Bertiz na binaluktot ang kuha ng CCTV. Aniya, sinita niya ang airport personnel dahil mayroong mga mukhang Chinese na may-escort na taga-NAIA na lumagpas sa security inspection.

Naniniwala si Bertiz na inilabas ang video upang siya ay sirain at mailihis ang ginawa niyang paninita sa mga mukhang Chinese na hindi dumaan sa security check.

Sinabi ni Bertiz na nakakapagtaka na kumalat ang video dahil kahit na ang mga pulis ay kailangan pang kumuha ng court order para makakuha ng kopya ng CCTV.

Inalis din umano niya ang lahat ng bakal sa kanyang katawan bago dumaan sa metal detector pero hindi hinubad ang kanyang slip on rubber shoes gaya ng ibang pasahero na dumaraan.

Read more...