Sue absent muna sa Probinsyano, may gagawing pelikula sa Korea

KIM TAI SIK, SHAMAINE BUENCAMINO, NONIE BUENCAMINO, SUE RAMIREZ AT MARCO MASA

ANG dami-daming movie offers ngayon ni Sue Ramirez kaya hilung-hilo na rin ang handler niya kung ano ang uunahin dahil halos lahat daw ay magaganda.

Bukod dito ay regular pa si Sue sa aksyon-seryeng FPJ’s Ang Probinsyano. Pero siyempre, ang final decision ay manggagaling pa rin mismo sa aktres.

Unang nagustuhan ni Sue ang script ng “Sunshine Family” na hango sa isang award-winning Japanese film na
“Hit And Run Family” na ipinalabas noong 1992.

At siyempre sa Korea ang entire shoot ng “Sunshine Family” kung saan makakasama ni Sue ang award winning showbiz couple na sina Nonie Buencamino at Shamaine Centenera at ang child actor na si Marco Masa.

Ang Korean award-winning director na si Kim Tai Sik ang magdidirek ng movie na umingay ang pangalan sa “Driving With My Wife’s Lover” na ipinalabas noong 2007 at naimbitahan sa 30 international film festivals.

Ang mga nabanggit na Filipino actors ang pangunahing bida sa pelikula at lahat ng makakasama nila ay pawang Korean actors na ayon kay direk Kim Tai Sik ay kilala rin sa mga K Drama.

Humirit si Sue na baka puwedeng, “Okay na ako kay Kim Soo Hyun. Naks, libre namang mangarap, di ba?”
Paano nga kung si Kim Soo Hyun nga magiging leading man niya dahil as of this writing ay wala pang nababanggit ang direktor tungkol dito, “Ayiii!” kinilig na reaksyon ng aktres.

Sisimulan ang shooting sa Okt. 31 sa loob ng 20 days at lahat ng mga eksena ay kukunan sa mga kilalang tourist spot sa Korea.

“We will also shoot some scenes here in the Philippines, but mostly in Korea,” saad ni direk Kim Tai Sik.
Going back to Sue, tawang-tawa naman ang bloggers sa sinabi niyang, “Pa-winter po ang October, so bukod sa maraming jackets na babaunin ko ay kailangan marami rin akong bagong English dahil tiyak na nose-bleed kami doon.”

Ano ang gustung-gusto ni Sue sa Korea, “’Yung food nila, gusto ko ‘yung pagiging authentic, di ba ang sarap? Nagkakasabay pa nga tayong kumain?”

Dagdag pa, “Saka ‘yung weather, siyempre masarap, mababait ang mga tao doon, at siyempre shopping. Pero excited ako kasi it’s time for me to learn their culture at ‘yung language na rin nila para makapag-reach out ako sa kanila.”

Mahaba ang 20 shooting days kaya sabi namin kay Sue buti pinayagan siyang mawala muna sa Ang Probinsyano, “Actually ipapaalam pa lang o naipalam na, hindi ko pa po sure eh,” kaswal na sagot ng dalaga.

Anong mangyayari sa karakter niya sa serye ni Coco Martin, “Actually hindi ko rin po alam kung paano o anong gagawin sa karakter ko. Hindi pa kami nagkakausap.”

Umaasa naman si Sue na hindi siya tsutsugihin sa programang tatlong taon nang nangunguna sa ratings game sa primetime. “Nagpapasalamat po ako kasi maraming taong nagtitiwala sa akin,” saad ng dalaga.

Bukod sa FPJ’s Ang Probinsyano ay 20 days ding hindi sila magkikita ng rumored boyfriend niyang si Joao Constancia, “Mami-miss niya ako (sabay tawa). Hindi naman kasi before two weeks na rin akong nawala nu’ng nagpunta kami ng mom ko sa States para magbakasyon.”

Read more...