Lyceum Pirates tutumbukin ang ika-13 panalo

Mga Laro Ngayon (Sept. 27)
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. Lyceum vs Arellano
4 p.m. San Sebastian vs San Beda
Team Standings: Lyceum (12-1); San Beda (12-1); Letran (9-4); St. Benilde (8-5); Perpetual (8-5); Arellano (4-8); Mapua (4-9); San Sebastian (4-9); EAC (2-11); JRU (2-12)

IBUBUHOS ng Season 93 runner-up Lyceum of the Philippines University Pirates ang kanilang pagkadismaya matapos mabigo sa asam na mawalis ang eliminasyon sa pagharap nila sa Arellano University Chiefs ngayong hapon sa NCAA Season 94 men’s basketball tournament sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.

Nadungisan ang malinis na kartada ng Intramuros-based squad na Pirates matapos malasap ang unang kabiguan sa ika-13 laro sa kamay ng University of Perpetual Help Altas, 81-83, noong Biyernes.

Pilit itong babawi sa bakbakan na magsisimula alas-2 ng hapon kung saan maliban sa nais na makabangon ay pakay din ng Pirates na masungkit ang semifinals berth.

Kailangan naman manalo upang mapanatili ang kanilang tsansa na sumampa sa Final Four ang Chiefs na may bitbit na kabuuang 4-8 karta.

Kasalukuyang magkasalo sa top spot ang LPU at two-time defending champion San Beda University Red Lions na makakatapat ang San Sebastian College Stags sa ganap na alas-4 ng hapon.

Sinabi naman ni LPU coach Topex Robinson na kailangan nilang matuto sa nangyari sa kanila sa huling laro.

“We just have to learn from it and try to improve every game,” saad ni Robinson.

Matapos mabigo ang LPU ay nakapitan ngayon ng San Beda ang mahabang aktibong winning streak sa anim at pilit na dadagdagan pa ng reigning titlist sa pitong sunod na panalo sa pagsagupa sa asam makaagaw ng silya sa Final Four na San Sebastian sa huling laro.

Read more...