MARAMI na ang excited sa susunod na Kongreso—18th Congress—na bubuuin ng mga senador at kongresista na mananalo sa 2019 midterm elections (may 12 senador na nanalo noong 2016 elections na magiging bahagi rin ng Kongresong ito).
Bakit?
Kasi lumulutang na ang mga pangalan ng mga malalaking personalidad na may malaking tiyansa na manalo sa pagkakongresista at syempre usap-usapan din kung sino ang matunog na magiging speaker sa huling tatlong taon ni Pangulong Duterte sa Malacanang.
Last term na si Speaker Gloria Macapagal Arroyo na inaasahang papalitan ng kanyang anak na si dating Pampanga Rep. Juan Miguel Arroyo.
Sa pagkawala ni Arroyo, ang tanong ng marami ay kung makakabalik pa sa pagiging lider ng Kamara si dating Speaker Pantaleon Alvarez.
Natanggal si Alvarez matapos na lumipat kay Arroyo ang suporta ng mas maraming kongresista noong ikatlong State of the Nation Address ni Duterte.
Makakabalik pa nga kaya si Alvarez kapag wala na si Arroyo?
Nagpasabi na rin si dating Vice President Jejomar Binay na tatakbo sa ikalawang distrito ng Makati City. Ang mister ni Makati City Mayor Abigail Binay na si Rep. Luis Campos ay mukhang tatakbo para sa ikalawang termino.
Si VP Binay ay tatakbo sa distrito ni Rep. Monsour del Rosario na kinukumbinsi yata na tumakbo sa pagkasenador ng PDP-Laban. Ang makakalaban yata ni VP ay si dating vice mayor Kid Peña.
May tyansa kayang maging speaker si Binay o baka naman siya ang maging mukha ng oposisyon?
Ang isang inaabangan ng marami ay kung babalik si Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano sa Kamara de Representantes.
Si House Deputy Speaker Pia Cayetano na siyang kinatawan ng Taguig City ay inaasahan na babalik sa Senado. Wala pang malinaw kung sino ang patatakbuhin na kapalit ni Rep. Pia.
Pwedeng tumakbo si Sec. Alan na kapalit ng kanyang kapatid. Kung si Sec. Alan ay magiging kongresista pwede raw na siya ang maging speaker.
Pero last term din ang kanyang misis na si Taguig City Mayor Lani Cayetano. Pwede rin na siya ang tumakbo sa pagkakongresista. Pero paano naman ang city hall, si Sec. kaya ang tatakbo dun?
Muli na namang nakaranas ng matinding trapik ang mga dumaraan sa Gen. Luna st., sa San Mateo, Rizal.
Nagpista kasi ang Barangay Dulong Bayan kaya sarado ang kalsada.
Wala naman sanang problema dahil mayroon namang ibang kalsada na pinadaanan.
Pero sana lang ‘yung mga kalsada na gagamiting alternate route ay linisin para maluwag na makadaan ang mga sasakyan. Ginagawa kasing paradahan. Gaya ng Daang Bakal. Kung walang mga nakaparada pwedeng-pwede talagang gawing alternate route.
Bukod sa mga nakaparada, sana ipatanggal din muna yung mga kariton na nakatambay sa makipot na kalsada.
Gayahin kaya ng lokal na pamahalaan ng Metropolitan Manila Development Authority na nambabakbak ng mga nakaharang sa daan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.