MULING umatake na naman ang mga pirata sa pagdukot sa mga marino. Matatandaang may mga panahon din kasing nanahimik at huminto sa kanilang pag-atake ang mga piratang ito.
Isang Swiss cargo ship na MV Glarus at may 19 na crew ang napabalitang pinakahuling biktima ng mga piratang ito sa Nigeria. Sinalakay at dinukot nila ang 12 crew nito na kinabibilangan ng pitong (7) Pinoy seafarers kasama ang lima (5) pa mula sa Slovenia, Ukraine, Romania, Croatia at Bosnia.
Naganap ang pag-atake sa bahagi ng Bonny Island habang naglalayag ang barko sa pagitan ng Lagos at Port Harcourt sa Niger Delta.
Ang mga kaso ng pamimirata noon ang naging dahilan ng pagkalugi ng maraming ship owners dahil hinihingian sila ng milyon-milyong dolyar bilang ransom money, kapalit ng buhay ng kanilang mga dinukot na seafarers.
Maraming hindi rin nabayaran o napasweldo sa tamang oras ang mga seafarers noon dahil sa malaking halaga na inilagak ng kanilang mga principal sa naturang pamimirata.
Gayong nagdulot din ng takot ito sa mga marinong naglalayag sa buong daigdig, ngunit hindi iyon naging dahilan upang huminto ang paglalakbay ng mga barko sa karagatan.
Hindi ‘anya sila papayag na tuluyang lumpuhin ng mga pirata ang galaw ng kalakalan sa mga karagatan na nagseserbisyo sa iba’t-ibang panig ng mundo. Napakalaking epekto ang naidulot nito sa pang-globong ekonomiya.
Naging usapin din noon kung papayagan bang magkaroon ng sandata ang mga crew ng barko tulad ng baril at iba pang mga armas upang kahit papaano’y mae-depensa naman nila ang kanilang mga sarili sa panahon ng mga pag-atake.
Lumabas din ang mga Anti-Piracy maritime security services na nag-aalok ng kanilang serbisyo at galing upang maiwasan at mabigyan ng kinakailangang proteksyon ang mga crew ng barko laban sa mga pirata.
Napaka-delikado nga ang buhay ng mga marino. Sa bawat paglalayag, hindi nila sigurado kung makakababa pa sila ng buhay’ at kung makababalik pa ng ligtas sa kanilang pamilya.
Ganoon din naman ang kanilang mga mahal sa buhay. Palaging bitin din ang kanilang hininga sa araw-araw na lumilipas, lakip ang takot na baka may mangyaring masama at posibleng maging biktima sa anumang pag-atake ang kanilang kapamilyang marino, bukod sa mga hindi inaasahang aksidente sa barko.
Kaya naman kapag sinabing nakalibing na sa hukay ang isa sa kanilang paa, inihahanda lamang nila ang kanilang mga sarili at kapamilya sa panganib na kinakaharap dulot ng pagbabarko. Iyan din ang dahilan kung bakit binibigyan ng mataas na sahod ang mga marino dahil sa mataas na panganib sa karagatan.
Patuloy na tumataas ang kaso ng mga pamimirata sa Gulf of Guinea at ayon sa report, 52 pirate attacks noong 2016 at 75 naman noong 2017.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.