Mocha Uson absent, budget ng PCOO nabitin
IPINAGPALIBAN ng Kamara de Representantes ang deliberasyon ng budget ng Presidential Communications Operations Office dahil absent si Assistant Sec. Mocha Uson.
Tumayo si Gabriela Rep. France Castro sa plenaryo upang magtanong kaugnay ng P1.4 bilyong budget ng PCOO para sa 2019 na mas malaki sa P1.3 bilyong budget nito ngayon.
Sinabi ni Castro na marami siyang tanong para kay Uson subalit wala ito sa pagdinig kahapon.
“Kapansin-pansin na wala dito yung presence ni ASec. Mocha Uson. Tingnan nyo po, ala una na (ng umaga) pero andito pa ang secretary, mga undersecretary. Andito pa tayo tayo dahil alam natin na mahalaga ang budget ng PCOO. Ito ang information arm ni Pangulong Duterte. Marami po akong katanungan Mr. Speaker na nakaukol sa opisina ni ASec. Uson. Maari ko bang malaman bakit wala si ASec?”
Nabatid na si Uson ay nasa ibang bansa kasama ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs.
Sinabi ni Castro na wala rin si Uson ng talakayin ang budget ng PCOO sa House committee on appropriations.
“Ngayon ay wala na naman si Asec Uson. May tatlong pahina ako na mga tanong (for Uson).”
Dahil dito ay hiniling ni Castro na ipagpaliban ang deliberasyon ng budget ng ahensya. Wala pang sinasabi ang liderato ng Kamara kung kailan ito muling tatalakayin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.