NAISAGAWA ng University of Perpetual Help Altas ang hindi naisagawa ng ibang kalahok na koponan matapos nitong biguin ang dating walang talong Lyceum Pirates sa dramatikong laban noong Biyernes.
Habang papaubos ang oras at kailangan ang basket, nagawa ni Prince Eze na mailusot ang higante nitong katawan upang tapikin ang isang buzzer-beating na follow-up upang itulak ang season host na Altas sa 83-81 come-from-behind panalo.
Hindi lamang naipalasap ng Altas ang unang kabiguan sa Pirates ngayong taon kundi pati na rin unang mantsa sa kartada sa eliminasyon ng Lyceum sa nakalipas na dalawang taon.
Dahil sa itinalang pagbigo sa higante ng NCAA ay kinilala si Eze bilang Chooks-to-Go/NCAA Press Corps Player of the Week.
“I know it’s possible. I know it’s possible!” sabi ni Eze sa matinding katuwaan papasok sa press room para sa post-win interview.
Nagtala rin ang Nigerian reinforcement ng matinding paglalaro na tampok ang 25 puntos, 23 rebounds at dalawang block maliban pa sa nagawa nitong game-winner.
“Big game by Eze of course. He has MVP stats again,” sabi ni Perpetual Help head coach Frankie Lim.
Para kay Lim, isa rin sa naging dahilan ng kanilang panalo ay ang depensa kung saan nilimitahan nila ang Lyceum sa 13 puntos sa fourth quarter.
“They really delivered and sabi ko nga sa pre-game ko, ‘I want to see you guys on attack mode,’ and that’s what exactly happened,” wika ni Lim.
“I saw something in our last game, the defense we played, I saw a lot of things,” sabi pa ni Eze sa mainit na laro ng Altas. “We have a lot of rookies in our team so we just have to follow the coaches which tell us what to do. We just keep on fighting.”
Ang buzzer-beater ni Eze ay nagtulak sa Altas sa ikapitong panalo ngayong season at nagpatatag dito para sa isang silya sa na Final Four.
Naungusan ni Eze ang kakampi na si Edgar Charcos, Justin Gutang ng St. Benilde, Robert Bolick ng San Beda at sina Bong Quinto at JP Calvo ng Letran para sa lingguhang parangal na iginagawad ng mga print at online writer na nagsusulat tungkol sa liga.