SINAMANTALA ng Far Eastern University ang mahinang depensa ng University of the Philippines upang itala ang 89-73 panalo sa UAAP Season 81 men’s basketball tournament Linggo ng hapon sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Mistulang nagtampisaw sa loob ng playing court ang FEU sa pagsasanib puwersa nina Prince Orizu, Jasper Parker at Wendell Comboy upang umiskor sa loob at labas tungo sa paglilista ng 2-1 record para sa Tamaraws.
Umarangkada agad ng 8-0 run ang FEU na hindi na nito binitiwan tungo na sa pagtuloy nito para sa dominanteng panalo.
Nagtala si Orizu ng 15 puntos, may 13 si Comboy habang nagtala si Parker ng 11 puntos para sa Tamaraws.
“It was a defensive game para sa amin. ‘Yung opensa namin, bonus lang so good job by everyone because the players stuck to our game plan,” sabi ni FEU head coach Olsen Racela.
Dumikit ng bahagya ang Fighting Maroons sa kalagitnaan ng second period subalit muling kumaskas ang Tamaraws ng 26-8 run para sa 63-39 bentahe sa third quarter.
Pinamunuan ni Javi Gomez De Liano ang opensa ng UP, na nalasap ang pangalawang sunod na talo, matapos gumawa ng 15 puntos.