Mga Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. NLEX vs Blackwater
7 p.m. Rain or Shine vs Magnolia
INANGKIN ng Phoenix Fuelmasters ang ikatlong sunod nitong panalo matapos dungisan ang Magnolia Hotshots sa pag-uwi ng 95-82 panalo Linggo sa ginanap na 2018 PBA Governors’ Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Nagtala si Eugene Phelps ng 36 puntos, 20 rebound, 1 steal at 4 block upang bitbitin nito ang Fuel Masters sa pag-arangkada sa ikaapat na yugto upang umangat sa 5-1 kartada at maipagpatuloy ang maganda nitong pagsisimula sa kumperensiya sa kasaysayan ng prangkisa.
Naisagawa ng Phoenix ang patuloy na pag-angat sa torneo sapul na makuha sa trade si Calvin Abueva na tumulong sa koponan upang ipalasap sa Magnolia ang una nitong kabiguan sa loob ng tatlong laro.
“We were able to put a clamp on their offensive guys especially in the third quarter. One of the best ang Magnolia especially sa defense so we limited their scorers,” sabi ni Phoenix coach Louie Alas.
Ang panalo ay nagtulak sa Phoenix sa ikalawang puwesto sa likod ng nangunguna at tanging koponan na hindi pa nakakatikim ng kabiguan na Blackwater.
Ibinagsak ng Fuel Masters ang 7-0 atake sa pagsisimula ng ikaapat na yuto para itala ang 10-puntos na abante sa 82-72 na sinandigan na nito tungo sa pagwawagi hanggang sa pagtunog ng buzzer.
Nag-ambag si Matthew Wright ng 13 puntos, limang rebound at apat na assist habang si Justin Chua ay may 12 puntos, walong rebound at tatlong block para sa Phoenix. Nagdagdag si Calvin Abueva ng siyam na puntos at 10 rebound.