Mga dapat mong malaman sa thyroid cancer


NGAYONG linggo — ika-apat na linggo ng Setyembre ay idinaraos sa bansa ang National Thyroid Cancer Awareness Week.

Noong 2016, ito ay ikapito sa listahan ng may pinakamaraming kaso ng kanser s Pilipinas.

Ang thyroid cancer ay hindi pangkaraniwan kung ikukumpara sa ibang kanser gaya ng lung at breast. Sa paglaki ng bilang ng mga may kanser sa bansa ay binuo ang National Cancer Prevention and Control Action Plan 2015-2020 sa ilalim ng Department of Health (DoH).

Thyroid

Ang thyroid ay matatagpuan sa leeg. Hugis paru-paro ito.

Ito ang gland na kumokontrol sa metabolismo ng isang tao at naglalabas ng mga hormone sa iba’t ibang bahagi ng katawan kasama na kung papaano gagamitin ang enerhiya, temperatura at oxygen sa katawan.

Nagkakaroon ng kanser sa thyroid kapag ang mga cell nito ay nag-mutate o nagbago. Ang mga abnormal cells kapag dumami ay maaaring lumaki at maging tumor.

Kung maagang makikita, maaari itong magamot.

Mas madalas tumubo ang thyroid cancer sa mga babae kaysa sa mga lalaki. Sa mga babae malimit na tumutubo ito sa edad na 40-50 samantalang sa mga lalaki ay 60-70.

Klase

Ayon sa WebMD, mayroong apat na klase ng thyroid cancer.

Ang Papillary thyroid cancer ang pinaka karaniwang klase sa lahat. Umaabot sa 80 porsyento ng mga may thyroid cancer ang Papillary. Mabagal itong lumaki at madalas kumakalat.

Ang Follicular thyroid cancer naman ay kumakalat sa lymph nodes at blood vessels. Mas madalas itong tumutubo sa mga babae kaysa sa mga lalaki. Malimit na ang nagkakaroon ito ay mga edad 50 pataas.

Medullary cancer ay madalas naipapasa ng mga magulang sa anak at sanhi ng problema sa ibang glands ng katawan. Madali rin itong ma-detect dahil gumagawa ito ng calcitonin, isang hormone na makikita sa blood test.

Ang Anaplastic thyroid cancer ang pinaka mapanganib o malubhang uri ng thyroid glands. Mabilis itong kumalat at mahirap gamutin pero bihira lamang ang mga tao na may ganitong kaso at sa maraming kaso ay tumubo sa mga edad 60 pataas.

Sintomas

Gaya ng ibang sakit hindi napapansin ang thyroid cancer sa unang stage nito dahil konti lamang at maaaring ipagwalang-bahala.

Ilan sa mga sintomas nito ay pananakit ng leeg o lalamunan, paglaki ng thyroid glands, bukol sa leeg, hirap sa paglunok, pag-iba ng boses o pagkapaos, at pag-ubo.

Sanhi

May mga kaso na ang kanser na ito ay namana ng anak sa kanilang magulang. Maaari umano na ang DNA

na ipinasa ng mga magulang sa anak ay nagtataglay nito.

Walo sa bawat 10 kaso ng medullary thyroid cancer ay nagmula sa abnormal gene na ipinasa ng magulang.

Ang iodine deficiency ay isa sa itinuturong sanhi ng thyroid cancer. Ang iodine ay makikita sa asin.

Maaari rin umanong magkaroon ng kanser ang isang tao kung siya ay na-expose sa radiation gaya ng madalas na pagpapa-x-ray.

Gamot

Kung duda ka na mayroon ka nito, maaari kang kumonsulta sa endocrinologist, ang doktor na tumitingin sa problema ng glands, ayon sa Cancer.Org.

Maaari na kailanganin mo ring kumonsulta sa radiation oncologist na siyang gumagamot sa mga pasyente na nangangailangan ng radiation; medical oncologist na gumagamit ng chemotherapy at iba pang paraan para gamutin ang kanser; at surgeon na magtatanggal ng tumor.

May mga pagkakataon na kailangang tanggalin ng buo ang thyroid glands upang maiwasan itong kumalat sa ibang bahagi ng katawan. Minsan ay ang apektadong bahagi lamang ng thyroid ang inaalis (lobectomy).

May mga pasyente na pinapayuhan na sumailalim sa radioactive iodine treatment upang masiguro na hindi na babalik ang kanser matapos na alisin ang apektadong bahagi.

Read more...