BUKOD sa puyat, tumataas din ang tyansa na magkaroon ng breast cancer ang isang babae dahil sa pagtatrabaho niya kapag gabi, lalo na ang mga babae na malapit nang mag-menopause.
Ito ay ayon sa pag-aaral na isinagawa ng mga researcher mula sa Canada, Australia at Europa sa mahigit 13,000 babae na edad 55-59 mula sa limang bansa– Australia, Canada, France, Germany at Spain.
Bahagi ng pag-aaral ang 6,093 babae na mayroong breast cancer at 6,933 babae na walang breast cancer.
Ang resulta ng pag-aaral ay inilathala sa European Journal of Epidemiology.
Ang mga babae na nagtatrabaho gabi-gabi ng hindi bababa sa tatlong oras sa pagitan ng hatinggabi at alas-5 ng umaga ay mas mataas ng 12 porsyento ang tyansa na magkaroon ng breast cancer kumpara sa mga babae na hindi nagtatrabaho sa mga oras na ito.
Mas mataas ng 26 porsyento ang tyansa na tubuan ng tumor ang mga babae na nasa pre-menopausal stage.
Ang mga pre-menopausal women na nagtatrabaho ng lagpas sa 10 oras sa gabi ay mayroong 36 porsyento na tyansa na magkaroon ng tumor sa dibdib.
Umaabot sa 80 porsyento ang tyansa na magkaroon ng breast cancer kung ang mga babae na nagtatrabaho ng mahigit 10 oras sa gabi ay ginagawa ito ng mahigit sa tatlong beses kada linggo.
Bumababa naman ang tyansa na magka-breast kanser sa loob ng dalawang taon matapos huminto sa night shift duty.
Sinabi ni Anne Grundy, study co-author at mula sa Université de Montréal, maaaring may kaugnayan ang pagtaas ng tyansa na magkaroon ng kanser kapag nagagambala ang circadian rhythm at ang paggawa ng melatonin na nagbibigay ng proteksyon laban sa kanser.