Baguio City naging back-to-back Batang Pinoy champion
BAGUIO City – Dominanteng inangkin muli ng host na Baguio City sa ikalawang sunod na taon ang pangkalahatang kampeonato Biyernes ng gabi sa pagsasara ng nilahukan ng kabuuang 190 local government units na 2018 Batang Pinoy National Championships sa Baguio City Athletic Bowl.
Sinandigan ng Baguio City ang mga focus sports nito na combat events upang agad siguruhin na matamgumpay na maipagtanggol ang kanilang bitbit na titulo sa pagtatapos ng kabuuang pinaglabanang 27 sports sa iba’t-ibang lugar at pasilidad sa Benguet Province at Baguio City.
Humakot ang defending champion Baguio City ng mga gintong medalya sa archery (2), athletics (2), judo (8), karate (1), swimming (1), taekwondo (10), triathlon (1), wresting (8) at wushu (13) sa pinakaultimong labanan para muli nitong matagumpay na mapanalunan ang torneo na para sa edad 15-anyos pababa.
“Batang Pinoy is the basic foundation of all the sports in the country dahil dito sinisimulan ang paghuhubog hindi lang ang discipline, values, behavior at well-being ng mga kabataan kundi pati na ang kanilang future at ang importansya nila sa komunidad,” sabi ni Baguio City Mayor Mauricio Domogan sa thanksgiving sa Camp John Hay.
“Kaya po kami ay nagpupundar at nakatutok sa mga kabataan dahil sila ang susunod nating henerasyon at sila ang future national athletes natin na magbibigay prestihiyo at karangalan sa bansa,” sabi pa ni Domogan.
Unang natipon ng Baguio City ang kabuuang 46 ginto na may dagdag pa na 46 pilak at 57 tanso para iwanan ang mga kalaban sa natipong 149 medalya sa kampeonato kahit may isang araw pa na natitira sa kompetisyon bago humakot ng kabuuang 83 ginto, 81 pilak at 197 tanso para sa natipon nitong 271 medalya.
Pumangalawa naman ang Cebu City sa natipon na kabuuang 36 ginto, 40 pilak at 44 tanso para sa kabuuang 120 medalya habang ikatlo ang pinakaunang tinanghal na pangkalahatang kampeon sa Batang Pinoy na Laguna Province na may 34 ginto, 13 pilak at 31 tanso para sa natipong 78 medalya.
Ikaapat ang isang beses din na tinanghal na overall champion na Quezon City na kumulekta ng 29 ginto, 16 pilak at 18 tanso para sa kabuuang 63 medalya habang ikalima ang Pangasinan Province na may natipong 24 ginto, 24 pilak at 25 tanso para sa kabuuang 73 medalya sa naging matindi ang pag-aagawan para sa mga natitirang huling mga ginto na nagdetermina sa unang limang puwesto na may nakalaang insentibo.
Dinoble ng Baguio City ang mga gintong medalya sa paghakot pa sa arnis, chess, cycling, muay thai, badminton, basketball, pencak silat, wushu, boxing, gymnastics, beach at indoor volleyball, lawn tennis, sepak takraw, softball, baseball, at archery.
Iuuwi ng tatanghaling overall champion ang insentibo na sports equipment at iba’t-ibang scholarships na aabot sa P3 milyon, P2.5 milyon sa ikalawa, P2 milyon sa ikatlo, P1.5 sa ikaapat at P1 milyon sa ikalimang puwesto.
Una nang nagwagi ng P8 milyon ang Baguio City matapos na pumangalawa ito sa ginanap na 2018 Philippine National Games sa Cebu City noong Agosto.
Ang Baguio City ang tinanghal na overall champion sa pinakahuling national championships noong 2016 Batang Pinoy na ginanap sa Tagum City, Davao del Norte. Nakamit ng Baguio City ang P500,000 bilang insentibo sa overall champion kung saan tatlong local government units lamang ang masuwerteng nag-uwi ng premyo.
Ikalawa ang Cebu City na nagkamit ng P300,000 habang ikatlo ang Davao City. Ang insentibo ay nakatuon para sa pagpapalawak at pagdebelop sa mga sports programs ng mga LGU.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.