Updated: 10 patay, 50 nawawala sa landslide sa Cebu
SAMPU katao ang naiulat na nasawi, walo ang nasugatan, at 50 pa ang nawawala dahil sa pagguho ng lupa sa Naga City, Cebu, Huwebes ng umaga.
Naitala ang mga naturang bilang alas-4:30 ng tanghali, at patuloy pa ang pagsasagawa ng search and rescue operations, sabi ni Concepcion Ornopia, direktor ng Office of Civil Defense-Central Visayas.
Nakilala ang pito sa mga nasawi bilang sina Bethel Faith Chavez, 4; Olivia Moral, 63; Ariel Lobiano, 52; Romeo Javanilla, 50; Mark Laurence Campanilla, 3; Michael Versales, 16; Vianca Versales, 19, sabi ni Ornopia sa kanyang ulat.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng tatlong nahugot sa guho Huwebes ng hapon.
Nakilala naman ang walo sa mga sugatan bilang sina Rose Ann Lobiano, 40; Christopher Cemeller, 44; Nestor Capoy, 52; at Jonalyn Siton, 16; Jocelyn Siton, 38; Basilia Omambac, 58; Sidney Ravanez, 35; at Baby Jane Ravanez, 8.
Dahil din sa pagguho, nagsilikas ang 268 pamilya na binubuo ng 721 katao patungo sa Enan Chiong Activity Center.
Naiulat sa mga lokal na otoridad ang landslide, na nakaapekto sa Sitio Sindulan, Brgy. Tina-an, at bahagi ng Brgy. Naalad, dakong alas-6, sabi ni Supt. Reyman Tolentin, tagapagsalita ng Central Visayas regional police.
“Due to heavy rains, part of the mountain in Sitio Sindulan eroded and completely covered houses wherein occupants were trapped inside,” ani Tolentin.
“Under investigation [pa ang cause] kasi ang area ay nasa Apo Cement [compound] eh, kung contributory ang quarrying,” sabi ni Ornopia sa mga reporter.
Labing-apat na bahay na ang naitalang nawasak sa landslide, at isinailalim na sa state of calamity ang Brgys. Naalad, Tinaan, Mainit, Pangdan, at Cabungahan.
Pinangangambahang aabot pa sa 30 ang bahay ang natabunan, ani Ornopia.a
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.