‘Para Sa Broken Hearted’: Iba’t ibang klase ng hugot


ISINALIN na sa pelikula ang “Para Sa Broken Hearted”, ang best-selling book ng tinaguriang hugot novelist na si Marcelo Santos III. Pinagbibidahan ito nina Yassi Pressman, Marco Gumabao, Shy Carlos, Louise de Los Reyes at Sam Concepcion mula sa direksyon ni Digo Ricio under VIVA and Sari-Sari Films na mapapanood na sa Okt. 3.

Ang limang bida ay may kanya-kanyang kuwento tungkol sa buhay pag-ibig nila at nakaka-relate sila sa mga karakter na ginampanan nila bilang sina Shalee, Jackie, Kath, Dan, Alex at RJ.

Ang isa sa creative consultant ng Viva Films na si Binibining Joyce Bernal daw ang nag-propose na magandang gawing pelikula ang librong “Para Sa Broken Hearted” at nang binasa ito ni direk Digo ay nagustuhan agad niya.

Gagampanan ni Yassi ang karakter na Shalee na mahilig sa photography at masayahin sa kabila ng kanyang pagkakaroon ng sakit sa puso na bata palang ay may gusto na siya kay Alex (Sam).

Mahilig rin sa arts si Alex ngunit mga halimaw ang paborito niyang iguhit. Walang pumapansin sa kanya, maliban lang kay Shalee na nagpabago ng kanyang pananaw sa buhay.

Si Jackie (Shy) naman ay isang go-getter. Laki sa nanay at lola na naniniwalang anumang gusto niya ay kaya niyang makuha kaya lahat ay ginawa para mapansin ni RJ (Marco).

Varsity player naman si RJ na may matamis na dila, kaya naman maraming nagkakagusto sa kanya at isa na si Jackie na pinangakuang hindi niya sasaktan.

Babaeng malakas ang loob at mahilig sa lakaran naman ang karakter ni Kath (Louise) at marami siyang hugot na senyales na may dinadala siyang kalungkutan. Makikilala niya si Dan sa panahong ginagamot niya ang kanyang pagkasawi sa pag-ibig.

Sa kuwento ng pelikula ay maraming matututunan ang manonood at puwede ring maging aral sa mga millennial lalo na yung mga bigo sa lovelife.

Read more...