MAPAPALITAN kaya si House Speaker Gloria Macapagal Arroyo dahil lamang gusto niyang galawin ang budget para sa 2019.
May kumakalat sa mga umpukan na mayroon daw nakatabing P55 bilyong pondo para sa mga ‘special project’ na gagastusan sa susunod na taon.
Hindi sigurado kung totoo o hindi ang sinasabing P55 bilyon dahil magkakaiba ang mga kumakalat na kuwento. May nagsasabi na meron, may nagsasabi naman na wala.
Ang budget para sa 2019 ay ginawa noong panahon ni Alvarez na napalitan noong Hulyo.
Ayaw naman pumayag ng kasalukuyang liderato ng Kamara de Representantes na basta na lamang aprubahan ang budget lalo at marami ng nagbago. Tumaas na ang inflation at lagpas P54 na ang palitan ng dolyar.
Ang lumulutang na pangalan na ipapalit kay Arroyo ay si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, na dati ng nabanggit ang pangalan upang ipalit kay dating Speaker Pantaleon Alvarez.
Kung halos wala umanong pag-asa na mapalitan si Arroyo, mas malabo naman na ma-impeach si Pangulong Duterte.
Gagalaw ba naman ang Kamara para matanggal si Duterte? Marami sa mga kaalyado ni Arroyo ang tumulong kay Duterte noong 2016 presidential elections.
At marami sa mga opisyal ni Arroyo noon ay nasa gobyerno ni Duterte ngayon.
Tsaka sino raw ba ang makikinabang kung mai-impeach ang Pangulo? Di ba ang mga ‘dilawan’?
Hindi pa napapalitan ang 1987 Constitution kaya kung matatanggal si Duterte, ang papalit sa kanya ay si Vice President Leni Robredo.
Palagay n’yo, gusto ba ni Speaker Arroyo na mangyari iyon?
Muli ay marami na namang pumuna sa ‘late’ na pagdating ng text alert ng National Disaster Risk Reduction Management Council nang manalasa ang bagyong Ompong.
Kahit na rito sa Metro Manila, kung saan nagtaas ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration ng tropical cyclone warning signal ay nakatanggap din ng “late” alert.
Ang isang text ay natanggap pasado 8 ng umaga para magbigay ng babala sa malakas na ulan na bubuhos sa pagitan ng 6-8 ng umaga. Tapos na ang ulan ng dumating ang text. Tsk. Tsk.
Ang tanong dito ay sino ba ang may kasalanan at late ang text?
Anong oras ba nagsabi ang NDRRM sa mga telecommunication company na magpadala ng text alert? At kailan ba ito ipinadala ng mga telecommunication companies?