“Ginawa namin lahat ng dapat gawin for the preemptive evacuation pero inayawan nila, ayaw nilang umalis,” ani Mayor Victorio Palangdan nang makapanayam ng mga reporter sa telepono, Martes.
Ayon kay Palangdan, sinubukan ng lokal na pulisya at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na magpatupad ng “forced evacuation” sa Level 70, Brgy. Ucab, bago dumating ang bagyo, pero nagmatigas ang mga residente.
“We tried to enforce the forced evacuation, but pumalag po sila… talagang kinakaladkad, ayaw,” aniya.
Dahil dito, nanawagan ang alkalde sa mga mambabatas na humanap ng paraan para mplakas ang pagpapatupad ng forced evacuation.
Sa tala ng alkalde kahapon, 15 bangkay na ang nahugot sa natabunang bunkhouse sa Ucab, at 59 katao ang hinahanap pa.
Sa hiwalay na tala naman ng Office of Civil Defense-Cordillera, sinasabing 42 ang hinahanap sa bunkhouse—na minsa’y ginagamit bilang chapel—kung saan sumilong ang maraming residente noong kasagsagan ng bagyo.
Lima naman ang hinahanap sa Baguio City matapos ding maguhuan ng lupa at tangayin ng baha, habang isa ang hinahanap sa Kabayan, Benguet, matapos matabunan ng putik, ayon sa OCD.
Dahil dito’y may 48 walo katao pa ang pinaghahanap sa Cordillera region, ayon sa OCD.
Patay lampas 70 na
Sa pinagtagni-tagning datos ng mga otoridad, lumalabas na 74 katao na ang nasawi dahil sa mga insidenteng dulot ng bagyo.
Nakapagtala na ang OCD Cordillera ng kabuuang 54 nasawi sa Benguet (38), Baguio City (9), Mountain Province (6), at Kalinga (1).
Ayon sa ahensiya, 10 sa mga nasawi sa Benguet ay galing sa Ucab.
Hiwalay pa rito, may narekober na dalawang bangkay sa naturang guho, noong Lunes, ayon sa pulisya. Nadagdag pa dito ang tato mula sa tala ni Mayor Palangdan.
Sampu na ang naitalang nasawi sa Cagayan Valley region. Anim ang nasawi sa lalawigan ng Cagayan at apat sa Nueva Vizcaya, sabi ni Supt. Chevalier Iringan, tagapagsalita ng regional police.
Isa pa ang naiulat na nasawi sa Ilocos Sur, dalawa sa Nueva Ecija, isa sa Albay, at isa sa Caloocan City.
Calamity malawak
Dahil sa lawak ng pinsalang dulot ng bagyo, isinailalim na ang Tuguegarao City, ang buong lalawigan ng Cagayan, at Ilagan City, Isabela, sa state of calamity, ayon sa ulat ng OCD Cagayan Valley, Lunes ng gabi.
Sa Cordillera, nagdeklara na ng calamity status ang lalawigan ng Kalinga at bayan ng Mayoyao, Ifugao, ayon sa OCD.
Di bababa sa 130 bahay ang naitalang nawasak at 1,134 ang napinsala ng bagyo sa Ilocos region, Cagayan Valley, Central Luzon, at Cordillera, pero inaasahang tataas pa ang mga bilang dahil patuloy pa ang damage assessment, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Pumalo na sa P14.33 bilyon ang halaga ng pinsalang naitala sa mga pananim sa Ilocos region, Cagayan Valley, Cordillera, Central Luzon, at Calabarzon, ayon sa NDRRMC.
Inulat ng OCD Cagayan Valley Lunes ng gabi na mahigit P6.48 bilyon na ang inisyal na naitalang halaga ng pinsala sa palay, mais, gulay, at prutas, sa Cagayan at Isabela pa lamang.
Sa hiwalay na tala ng pulisya, lumalabas na mahigit P10.37 bilyon na ang kabuuang halaga ng pinsala sa mga pananim at alagaing hayop sa Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, at Batanes.
Inulat naman ng OCD Cordillera na P2.67 bilyon na ang halaga ng pinsalang dulot ng bagyo sa sektor ng agrikultura ng rehiyon.
Naibalik na ang suplay ng kuryente sa ilang nasalantang lugar. Sa Cagayan ay kanselado pa rin ang klase para matiyak na di mapapahamak ang mga estudyante sa mga napinsalang paaralan.