LILINAWIN ko lang. Hindi lamang po UAAP at NCAA ang malalaking pang-kolehiyong torneyo kung basketbol ang pag-uusapan.
Yun nga lang, hindi gaanong napapansin ng mga pahayagan, telebisyon at radyo ang ibang torneyo at lagi na lamang UAAP at NCAA ang ibinabalita ng mga ito.
Mabuti na lang at may internet at social media para makakasabay sa pagpapakalat ng inpormasyon ang ibang liga.
Isa sa mga ligang tinutukoy ko ay ang National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (Naascu) na ngayon ay nasa ika-18 season na.
Tulad ng Inter-Scholastic Athletic Association, dumaan sa mabibigat na pagsubok ang Naascu ngunit dahil na rin sa matibay na paninindigan ng mga lider nito na pinangungunahan ni Dr. Ernesto Jay Adalem ng St. Clare College-Caloocan.
Si Adalem na isang opisyal ng Samahang Basketbol ng Pilipinas, ang founding president ng Naascu, samantalang pangulo sa kasalukuyan si Dr. Martha Beata Ijiran ng Philippine Christian University.
Matagumpay ang pagbubukas ng Naascu na dinaluhan nina Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go, Bureau of Correction head Gen. Ronald “Bato” de la Rosa at Melvin Contapay ng Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa.
Hindi biro ang listahan ng mga kasali sa Naascu ngayong season kabilang ang back-to-back champion St. Clare Saints.
Makikipagsabayan din ang De Ocampo Memorial College, Philippine Christian University, New Era University, Our Lady of Fatima University , City University of Pasay, De La Salle-Araneta University, Enderun College, AMA University, St. Francis of Assisi College, Rizal Technological University, Holy Angel University, National Teacher’s College at Philippine Merchant Marine School. Mabuhay ang Naascu.
PVF sa Batang Pinoy
Malaking balita ang pagbibigay ng Philippine Sports Commission sa Philippine Volleyball Federation ni Tito Boy ‘‘Walang Kapaguran’’ Cantada ng karapatan na hawakan ang Batang Pinoy National finals volleyball tournament na ginagawa sa Baguio City.
Isa itong malaking tagumpay sa PVF na bagamat nasingitan ng isa pang grupo sa volleyball habang pangulo ng POC si Peping Cojuangco ay patuloy ang mga programang nakatutok sa grassroots.
Dahil sa pagbibigay ng PSC ng pansin sa PVF ay hindi malayong bumalik ang grupo nina Tito Boy sa dati nitong lugar bilang tunay at respetadong national sports association.
Maganda ang naging usapan nina PVF sec-gen Gerard Cantada, managing director Rustico Camangian at PSC executive director Atty. Guillermo Iroy upang maiwasan ang mga gusot sa paligsahan.
Suportado ni PVF chairman Mikey Arroyo at Tanduay Sports ang PVF.
Ang punto rito ay armado ng karunungan at karanasan ang mag-amang Cantada at si Camangian sampu ng kanilang mga kasama upang tiyakin ang tagumpay ng Batang Pinoy.
“By allowing the PVF to participate in the officiating and conduct of volleyball in the Batang Pinoy, our association gets its long overdue recognition as a working NSA,” sabi ni Tito Boy.
May kabuuang 7,000 atleta at opisyal mula sa iba’t-ibang sport ang kasali sa Batang Pinoy.
Tunay na pag may tiyaga ay may nilaga.
Chill lang Bo Perasol
Dahil sa bugso ng damdamin, napatalsik at nabigyan pa ng suspensyon si UP coach Bo Perasol sa huling laban ng Maroons kontra Ateneo Blue Eagles. Kauumpisa pa lang ng season at sana ay magsilbing aral kay Perasol na ilagay sa tamang lugar ang kanyang galit. Hindi na bago si Bo sa coaching at dapat lang na siya ay magsilbing halimbawa sa kanyang mga manlalaro.
Mabuting tularan niya ang mga tulad nina coach Leo Austria at Louie Alas na mga dating coach sa college at ngayo’y nasa PBA na.
Sa aking pagsusuri, higit ang nakukuhang tagumpay ng mga coach na ‘‘chill’’ lang. Mga tao lang, hindi perpekto at paminsan-minsan ay nagagalit sina Leo at Louie