3-0 puntirya ng Blackwater Elite

Mga Laro sa Miyerkules (Araneta Coliseum)

4:30 p.m. NorthPort vs Blackwater
7 p.m. Phoenix vs Meralco
Team Standings: Ginebra (3-0); Magnolia (2-0); Blackwater (2-0); Alaska (3-1); Phoenix (3-1); NLEX (3-2); San Miguel (1-1); TNT (2-4); Meralco (1-2); NorthPort (0-4); Columbian (0-5); Rain or Shine (x-x)
PUNTIRYA ng Blackwater Elite na matuhog ang ikatlong diretsong panalo sa pagsagupa nito sa wala pang panalong NorthPort para maipagpatuloy ang magandang simula sa PBA Governors Cup.
Magsisimula ang laban ganap na alas-4:30 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Nagwagi ang Elite sa unang dalawang laro nito sa torneyo kabilang ang 103-100 panalo laban sa paboritong San Miguel Beermen noong Setyembre 5.
Nanguna para sa Blackwater sa larong iyon ang masipag na import nitong si Henry Walker na kumulekta ng 35 puntos, 17 rebounds at pitong steals kontra Beermen.
Sa unang laro ng Blackwater noong Agosto 24 ay tinisod nito ang TNT KaTropa, 104-98.
Kontra NorthPort ay inaasahang patuloy na sasandalan ni Blackwater coach Bong Ramos si Walker pati na rin sina Poy Erram, Mike Digregorio, Alein Maliksi at Rabeh Al-Hussaini.
Kapag nanalo ang Elite ay tatabla ito sa unang puwesto na kasalukuyang hawak ng Barangay Ginebra (3-0).
Ang Batang Pier naman ay natalo ng tatlong sunod at kailangan nilang pumasok sa win-column para lumaki ang tsansang makausad sa susunod na round.
Sesentro pa rin ang laro ng NorthPort kay Stanley Pringle na kagagaling lang sa paglalaro para sa Pambansang Koponan sa katatapos na Asian Games at sa Fiba Asia Qualifying Tournament.
Sa ikalawang laro dakong alas-7 ng gabi ay maghaharap naman ang Phoenix at Meralco.
Target ng Phoenix na manalo ngayon at manatiling makasabay sa mga nangungunang koponan sa liga.
Inumpisahan ng Fuel Masters ang torneyo na may 2-0 record bago sila tinisod ng Alaska Aces, 97-108, noong Agosto 29.
Bumawi naman sila pagkalipas ng dawalang araw nang tambakan ng Phoenix ang TNT, 112-82.
Asinta naman ng Meralco Bolts ang ikalawang panalo sa apat na laro. —Angelito Oredo

Read more...