“HINDI po ako tatakbong Senador!” Ito ang sagot ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes tungkol sa balitang pagtakbo niya bilang senador sa 2019 mid-term elections.
Nilinaw ni Dingdong ang nasabing isyu sa Facebook status ng comedian-host na si Ogie Diaz na “Mama OGS Answers.” Dito sinasagot niya ang mga questions ng netizens tungkol sa mga hot issues sa showbiz
and politics.
Isang FB friend ni Ogie ang nagtanong ng, “Si Dingdong Dantes, tatakbong Senador, okay ba sa ‘yo, Mama Ogs?”
Sagot naman ng komedyante, “Oo naman. Sobra. Mas disente kesa sa Pepederalismo.”
Pagkatapos nito ay itinag ng talent manager si Dingdong at sinabing, “Will support Jose Sixto Gonzalez Dantes III for senator!”
Nang mabasa ito ng Kapuso actor, agad itong sumagot ng, “Salamat sa tiwala, Ogie. Pero hindi po ako tatakbong Senador.”
Isa si Dingdong sa mga nasa listahan ng Liberal Party (LP) para maging bahagi ng kanilang senate line-up sa 2019. Kasama rin sa lumabas na listahan sina Agot Isidro, Leah Navarro at Jim Paredes na sinasabing ilan pa sa pinagpipilian ng LP para kumandidatong senador next year.
Kamakailan tumanggi nang magsalita si Marian Rivera tungkol sa plano ng kanyang mister sa pagpasok sa politika. Hindi na raw siya magsasalita about this at mas mabuting si Dingdong na lang ang tanungin.