3 bus naaksidente: 21 sugatan

 DI bababa sa 21 katao ang nasugatan nang masangkot sa aksidente ang tatlong bus, sa Lucena City, Quezon, Lunes ng madaling-araw.

 Nagtamo ng pinsala ang 20 pasahero ng Amihan bus (ACD-1533) na biyaheng Maynila, kaya dinala ng lokal na rescue team at mga pulis sa Quezon Medical Center, sabi ni Senior Supt. Osmundo de Guzman, direktor ng Quezon provincial police.

 Sugatan din si Rogelio Monge, driver ng Philtranco bus (ABG-8679) na kabilang sa mga nasangkot sa insidente, ani De Guzman.

 Pinalad na di nasugatan sina Melchor Peliyas, driver ng isa pang Philtranco bus (ABG-8679), at ang driver ng Amihan bus na si Jomel Marlo Bolivar.

 Naganap ang insidente sa Diversion Road, dakong alas-2:30.

 Unang sumalpok ang bus na dala ni Peliyas sa concrete barrier sa gitna ng kalsada, kaya sinubukang tulungan ni Monge.

 Sa kasamaang palad, nabundol naman ng bus na dala ni Bolivar ang likurang bahagi ng bus ni Monge, ani De Guzman. 

Read more...