Bilang ng nasawi kay ‘Ompong’ inaalam na; 180K lumikas

INAALAM na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRM) ang kabuuang bilang ng mga nasawi kung saan halos 180,000 ang nagsilikas dahil sa pananalasa ng bagyong “Ompong” sa iba-ibang bahagi ng Luzon. 

Dalawang responder ang nasawi habang nagsasagawa ng rescue operation, sabi ni Ricardo Jalad, executive ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Uniulat ng National Police na nasawi sina Shaina Mae Pascua, 19, at Grace Ganabe, 45, sa landslide sa Baguio City, habang isang 9 hanggang 12-anyos na dalagita ang natagpuang patay sa ilog sa Pasig City.

Una dito, nasawi ang security guard na si Domingo Penaflor nang mabagsakan ng pader sa Caloocan City, Sabado ng umaga, at isang 8-buwang sanggol ang nalunod sa baha sa Pio Duran, Albay, noong Biyernes.

Di bababa sa dalawa ang naiulat na nasugatan sa Baguio at Itogon, Benguet; dalawa ang nasugatan sa ipo-ipo sa Marikina City; at may dalawa pang nawawala sa Itogon, ayon sa pulisya.

Umabot sa 179,730 katao ang naitalang nagsilikas sa Ilocos region, Cagayan Valley, Cordillera, Central Luzon, Metro Manila, Calabarzon, MIMAROPA, at Bicol, batay sa pinagtagni-tagning datos mula sa NDRRMC, tanggapan ng Office of Civil Defense sa mga rehiyon, provincial governments, at pulisya.

Sa Cagayan lamang ay 10,626 pamilya o 42,199 katao ang nagsilikas, ayon sa talang nilabas ng pamahalaang panlalawigan.

Nang sumalpok si “Ompong” sa Cagayan Sabado ng madaling-araw, nawalan ng kuryente at cellphone signal ang malaking bahagi ng probinsya, sabi ni Rogie Sending, tagapagsalita ng pamahalaang panlalawigan.

Dahil dito, hirap pa ang mga otoridad na kumalap ng impormasyon tungkol sa sinapit ng mga residente noong kasagsagan ng bagyo, aniya.

Pero ayon kay Sending, bago mawalan ng kuryente’t cellphone signal ay nakatanggap pa sila ng ulat na natuklap ang bubong ng isang evacuation center sa Brgy. Minanga, Aparri, kaya nagsiksikan ang mga tao sa barangay hall.

Lumaki pa ang tubig sa Pinacanawan River at Cagayan River, kaya muling inalerto ang mga residente sa pagbaha, aniya.

“Maraming evacuees kasi buong province ang lapad ng bagyo. Malakas ‘yung bagyong ‘Lawin’ dati pero itong si ‘Ompong,’ napakalapad, eto 12 oras na humahangin pa, eh ‘yung eye of the storm pa-Laoag na,” sabi ni Sending sa Bandera nang makapanayam Sabado ng tanghali. 

Read more...