Vice: Ayokong puro trabaho, kailangan kong rumampa! Ano to, perahan lang!? | Bandera

Vice: Ayokong puro trabaho, kailangan kong rumampa! Ano to, perahan lang!?

Reggee Bonoan - July 05, 2013 - 01:06 PM

Vice Ganda

 

BAGO mapanood sa Lunes, Hulyo 8 ang bagong karakter sa fantaseryeng Juan dela Cruz na si Santana, ang pinuno ng mga tikbalang na gagampanan ni Vice Ganda ay mapapanood muna ngayong gabi ang teaser nito sa ABS.

Say ni Vice ang management daw ang nag-offer sa kanya para mag-guest sa Juan dela Cruz, sobrang na-excite ang komedyante dahil bukod sa effortless ang role na gagampanan niya ay bestfriend pa niya si Coco Martin (magkaibigan na ang dalawa kahit noong hindi pa sila sikat).

May fight scenes sina Juan at Santana at sa karakter ni Vice raw ihahampas ang makapangyarihang latigo pero, “Hindi ako mamamatay dito, magiging tao ako,” birong totoo ni Vice nang bumisita kami sa taping nila sa Kalayaan Street, Quezon City kasama ang iba pang members ng press.

“Gusto ko talagang maging regular, pero hindi ko kaya ang teleserye, ‘yung pa-morningang ano, siyempre wala na akong rampa (gimmick) no’n no? Hindi ko alam kung hanggang kailan tatakbo ‘yung character.

“Reyna ako ng tikbalang, parang na-associate na ako sa mga diwata, tapos may galit ako, so ang kalaban ko talaga ‘yung mga diwata,” kuwento ni Vice.

Nalaman naming may cut-off time si Vice sa taping dahil nga may Showtime siya kaya hindi siya puwedeng abutin ng madaling araw, “Kokonti lang naman ang sequences na kukunan sa akin yata, kaya makakarampa pa ako mamaya!” sey ni Vice.

“Isinisingit ko talaga ang pagrampa sa gabi kasi ayokong natatapos ‘yung buong araw na wala lang. Nagtrabaho ako tapos walang good time? Ayoko ng puro trabaho, ano ‘to perahan lang, kailangan balanse, kailangan bago ako umuwi ng bahay ay may nagawa naman akong hindi lang dahil sa pera, kailangan nakatsika ako sa mga kaibigan ko, kailangan nakarampa kami, kailangang masaya kaming uuwi hindi ‘yung napagod lang ako sa trabaho.

“Kasi kinabukasan, magtatrabaho na rin ulit ako, di ba? Ayoko na lang puro na lang ako trabaho, para saan, di ba? Kailangan gamitin ko ring mag-enjoy. Balance of everything, kailangang may oras ka sa trabaho at may oras ka sa pamilya mo at sa mga kaibigan. Kasi nakakabaliw ‘yun,” paliwanag pa ng aktor.

Ang madalas lang daw na ginagawa ni Vice kapag rumarampa ay, “Tsikahan lang ng mga bakla, bar lang, may nadiskubre nga kaming bar kagabi na walang masyadong tao, ang sarap mag-ingay na kami-kami lang.

“Mga volleyball friends ko ang kasama ko at mga baklang kasama ko sa bahay, mga high school friends, tuwing lumilipat ako ng bahay, kasama ko rin silang lumilipat kaya sila na ‘yung pamilya ko,” kuwento ng TV host.

Samantala, kasama na pala ni Vice ngayon sa bahay niya ang lolo niya na naging dahilan kaya siya na-depress noon dahil nga feeling niya ay marami na siyang pagkukulang sa kanyang pamilya.

Ipinagpagawa ni Vice ng bahay ang pamilya niya, pero hindi naman daw niya nadadalaw kaya nalungkot siya dahil may kulang sa buhay niya at napagtanto niya na pamilya niya ang wala kaya ngayon, lagi na silang nagkikita at masaya na siya ngayon.

“Nag-strive ako na mabuo ang pamilya ko, at nu’ng nabuo ko, ako naman pala ‘yung wala kaya malungkot kasi ako lang pala ‘yung wala sa bahay na ‘yun,” pag-amin ni Vice.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Inamin din niya na sa pag-renew niya ng contract ngayong Disyembre sa ABS ay magla-lie low muna siya sa career niya, “Babawasan ko ang pelikula, dati kasi nakakadalawa ako, ngayon isa na lang, pero hindi ko iiwan ang TV kasi naniniwala ako na hindi ka magiging successful moviestar kung hindi magiging matagumpay na TV star.”

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending