Empowerment sa atleta

SABI nga ni Philippine Olympic Committee (POC) deputy secretary general Karen Tanchanco Caballero, wala pa raw siya sa pwesto niya ngayon ay na interview ko na siya at nakatataba naman ng puso na isa raw ako sa kanyang pinagtitiwalaan na sports writer.
Ako naman kasi ay nakita ko naman sa kanya ang gusto kong makita sa isang sports leader. Palaban at prangka ang babaeng ito, dragon lady nga tawag sa kanya ng iba lalo na yung mga nakabanggaan na niya.
At dahil nga komportable na kami sa isa’t isa, madali na para sa akin na makakuha ng interview schedule kay Karen at naupo nga kami sa POC office sa ULTRA early this week.
Mahaba-haba rin ang kwentuhan na maraming on record pero meron ding off the record. Syempre igagalang natin yung off the record.
Tinanong ko siya kung bakit ang tagal naman yata ng aksyon ng POC tungkol sa mga NSA na may leadership problems tulad ng bowling, tennis, swimming, table tennis, weightlifting at dragon boat race.
Sinabi nga ni POC president Ricky Vargas pagkatapos ng Asian Games na isang isyu ito na nakaapekto sa performance ng mga atheletes sa Indonesia.
Magnanimous daw kasi itong si Ricky to a fault, masyadong mabait in short at as much as possible. Kukunin niya sa maayos na usapan ang mga gulo sa Philippine sports at meron naman daw silang mga hakbang na ginagawa tungkol sa leadership issues ng mga NSA.
Pero sana daw ay maintindihan din ng iba na hindi naman ganoon kadali maayos ang ibang problema dahil may mga legal processes pa rin na dadaanan.
Bawa’t isang NSA syempre ay may kanya kanyang by laws. Suggestion ko naman sa kanya ay sana maglabas din naman ng mga announcements ang POC sa mga ginagawa nilang mga hakbang.
Mahirap kasi yung walang nababasa o naririnig ang publiko dahil bihirang maglabas ng mga statements ang POC leadership.
Isa nga daw na gusto niya kay Ricky ay meron silang shared values pagdating sa mga atleta, na kung ano ang dapat mapunta at makuha ng atleta para sa kanilang ikakatagumpay.
Yun din daw ang gusto ni Ricky, dapat daw ay empowered ang mga atleta natin at isa na nga sa ginawa ni Karen recently ay ang seminar sa financial literacy para sa mga atleta lalo na yung mga nanalo ng medalya sa Asian Games at nakatanggap ng malaking cash incentive.
Napag-usapan din naming si gold medalist Hidilyn Diaz na misunderstood daw sa statement niya na kulang pa rin ang natatangap na tulong ng mga atleta.
Mabilis kasi nag-react ang Philippine Sports Commission (PSC) dito dahil nga may binibigay naman silang regular na tulong kay Hidilyn.
Ang problema, most athletes ay hindi nila masasabi ang kanilang saloobin sa pamamaraan na walang mga negative reaction, kailangan din kasi ng training ng mga atleta pag dating sa media handling.
Naikwento ko rin kay Karen ang regular naming sagutan sa social media ni dating PSC chairman Perry Mequi na totoo naming maganda ang intension sa kailangang pagbabago sa Philippine sports, yun nga lang, minsan sa lakas ng dating ng kanyang pananalita, iba nagiging reaksyon, advise ko nga kay Perry ay maging aware siya sa salitang ginagamit niya.
Isa sa napagdiskusyunan namin ni Perry ay gusto niyang makialam na si Hidilyn sa leadership squabble sa weightlifting, to the point ang suggestion niya ay tumakbo sa posisyon si Hidilyn. Sabi ko sa kanya, atleta pa rin si Hidilyn at ang focus niya ay dapat ang training niya. Kapag pumasok siya sa pulitika sa sports, lalamunin siya nito ng buo. Matapang na nga itong si Karen ay malaki pa rin stress niya sa politics sa sports, lalo na si Hidilyn.
Isa pang maganda daw ngayon sa POC ay corporate governance ang approach nila. May GM na nga sila na professional management person, tapos pag hindi maayos ang mga dokumento ng mga NSA sa kanilang hinihingi, mahihirapan silang lumusot ngayon. Maintindihan din daw sana ng mga tao na kulang kulang ang turn over sa kanila ng dating POC leadership, kaya nahihirapan silang pag tahi-tahiin ang mga pangyayari, Lalo na sa pinansyal na aspeto.

Read more...