Mga Laro Bukas
(The Arena)
4 p.m. Mapua vs Lyceum
6 p.m. JRU vs Letran
PINATOTOHANAN ng mga manlalaro ng Emilio Aguinaldo College ang pangakong binitiwan sa kanilang coach nang kunin ang come-from-behind 73-72 panalo sa College of St. Benilde sa 89th NCAA men’s basketball tournament kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Sina Noube Happi at John Tayongtong ay naghatid ng krusyal na split sa 15-foot line sa huling 10.8 segundo upang suklian ang magandang depensa at makumpleto ang pagbangon mula 12 puntos (58-70) sa huling 5:42 ng labanan.
Tumapos si Tayongtong bitbit ang 16 puntos, (14 sa second half), 3 rebounds at 5 assists habang si Happi ay mayroong 14 puntos. Si Igee King ay mayroon ding 16 habang si Jan Jamon, na beterano rin ng koponan tulad ng naunang tatlong manlalaro, ay may 13.
Ito ang unang panalo sa tatlong laro ng Generals at nakuha ito matapos ang pagpupulong ng mga manlalaro at ni coach Gerry Esplana na kung saan nangako ang mga ito na babawi sa Blazers.
Hindi naman nila ipinahiya ang mga sarili matapos magpakawala ng 15-2 palitan sa endgame.
Bumaba ang host Blazers sa 0-2 baraha at isang field goal lamang ang kanilang naitala matapos hawakan ang 12 puntos kalamangan.