HINDI man siya ang ‘first choice’ para irepresenta ang Pilipinas sa Asian Elite Men’s Championships na ginaganap ngayon sa Amman Boxing Arena sa Amman, Jordan ay hindi naman niya ipinahiya ang bansang kanyang ibinabandera.
Sa kanyang unang laban dito ay tinalo ni Rogen Ladon, na isang last-minute substitute para sa injured boxer na si Mark Anthony Barriga, ang pambato ng Iraq na si Naser Hasan.
Sa unang round pa lamang ay ipinamalas na ni Ladon ang angking bilis at mga side-stepping moves para makaiskor at biguin ang 21-anyos na katunggali.
Tatlong hurado ang pumabor sa Pilipinong tubong Bago City sa score cards — 29-28, 29-28 at 30-27 — para makakuha ng unanimous decision win sa light flyweight division.
Si Ladon ang nakababatang kapatid ni Joegin na isa ring dating national boxer. Nagretiro sa pagboboksing si Joegin sa taong ito at kasalukuyan siyang miyembro ng coaching staff ng pambansang koponan.
Umabot sa 27 Asian countries ang lumahok sa torneong ito.
Bago kay Ladon ay nanaig na sa kanyang unang dalawang laban ang 2010 Asian Games gold medalist na si Rey Saludar sa flyweight division.
Binigo ni Saludar si Hayashida Syota ng Japan (30-27, 28-29 at 30-27) at Ilyas Suleimenov ng Kazakhstan (30-29, 30-29 at 29-30) para makarating sa quarterfinal round kontra kay Tanes Ongjunta ng Thailand.
Sa Huwebes naman nakatakdang lumaban ang lightweight bet ng Pilipinas na si Junel Cantancio kontra kay Ardee Sailom ng Thailand.
Si Cantancio ay nanalo ng silver medal sa China Open dalawang linggo lamang ang nakararaan.
Nakatakdang sumalang din si Filipino bantamweight Mario Fernandez sa Huwebes laban kay Kairat Yeraliyev ng Kazakhstan.