SSS nagbibigay ng calamity assistance sa mga biktima ng Karding

MAAARI nang mag-apply ng Calamity Assistance Program (CAP) ang halos 459,000 miyembro at pensiyonado ng Social Security System (SSS) na naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Karding noong Agosto.
Naglaan ng mahigit sa P549 milyon na pondo para sa nasabing programa.

Ang mga miyembrong apekatado ng baha sa Gitnang Luzon at Rizal ay maaaring mag-avail ng calamity loan, direct house repair at improvement loan, at paunang 3 buwang pensyon para sa mga apektadong pensyonado.

Kwalipikadong mag-avail ng calamity loan assistance, direct housing repair and improvement at tatlong-buwang paunang pensyon ang mga miyembro at pensyonado ng SSS na nakatira sa mga lugar na apektado ng kalamidad na idineklarang nasa ilalim ng state of calamity ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Idineklara ng NDRRMC na nasa ilalim ng state of calamity dahil sa bagyong Karding ang sumusunod na mga lugar: Sto. Tomas, Pampanga; Sasmuan, Pampanga; Guagua, Pampanga; Bulacan province; Rodriguez, Rizal; San Mateo, Rizal; at Lacub, Abra.

Isang uri ng loan assistance program ang CAP na hiwalay sa regular na salary loan. Maaaring umutang ang mga miyembro ng hanggang P16,000 na calamity loan depende sa kanilang monthly salary credit. Mayroon namang financial assistance para sa mga pensyonado na maaaring makakuha ng kanilang paunang tatlong buwang pensyon. Maaari ring mag-apply ang mga miyembro ng direct housing repair at improvement loan.

Maaaring bayaran ang calamity loan sa loob ng dalawang taon sa pamamagitan ng buwanang pagbabayad na may taunang interest rate na 10 porsyento at isang porsyentong multa kada buwan para sa late payments. Upang mabawasan ang dagdag na gastusin ng mga member-borrowers, inalis ng SSS ang isang porsyentong service fee.
Para makinabang sa SSS calamity loan, kinakailangan na ang miyembro ay may tirahan o ari-arian sa mga nabanggit na lugar at may hindi bababa sa 36 buwang kontribusyon, anim doon ay kinakailangan na nabayaran sa loob ng 12-buwan bago ang araw ng aplikasyon. Para sa mga OFWS na nais mag-apply ng calamity loan, kailangan lamang sila na magpadala ng representative na may authorization letter mula sa kanila at ipasumite ito SSS.
Ang mga aplikante ng paunang tatlong-buwang pensyon na may kasalukuyang address na naiiba sa address na nasa SSS database ay kinakailangan na magpasa ng barangay certification upang mapatunayan na sila ay nakatira sa idineklarang nasalantang lugar.

Mahigit 250,000 paying members at 204,000 retiree pensioners ng pension fund ang apektado ng bagyong Karding. Naglaan ang SSS ng halos P255.2 milyon para sa posibleng mai-loan at P294.8 milyon para sa posibleng ibayad sa paunang tatlong-buwang pensyon.

Gayunman, ang mga miyembro na may utang sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP), at mga nakaraang CAPs, pati na rin ang mga tumatanggap ng pensyon para sa total permanent disability at retirement ay hindi kwalipikado sa bagong CLAP.

Bukod sa calamity loan, ang mga miyembrong naapektuhan ng kalamidad na nasalanta ang tirahan ay maaari ring mag-avail ng direct house repair at improvement loan na may anim na buwang moratorium at interes. Aabot sa P1 milyon ang maaaring utangin ng miyembro sa ilalim ng programang ito.
Upang makapag-apply ng direct house repair at improvement loan, kinakailangan na ang aplikante ay hindi lalagpas sa 60 anyos na may hindi bababa sa 24 na buwanang kontribusyon, at ang tatlong kontribusyon ay naihulog sa loob ng 12-buwan bago ang buwan ng pag-aapply ng loan.

Maaari nang magpasa ang mga miyembro at pensyonado ng kanilang CAP applications simula ngayon hanggang Disyembre 10.

Nagbigay din ang SSS ng CAP sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Henry, Inday, at Josie noong Hulyo. Maaari silang mag-apply ng CAP hanggang Nob. 12.

Para sa mga iba pang impormasyon, maaaring pumunta ang mga miyembro at pensyonado sa pinakamalapit na sangay ng SSS, tumawag sa SSS Call Center hotline sa 920-6446 hanggang 55, o magpadala ng email sa member_relations@sss.gov.ph. Maaaring i-download ang mga forms sa SSS website sa www.sss.gov.ph. SSS President and Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc

SSS MEDIA AFFAIRS DEPARTMENT
(02) 9206401 local 5050, 5052-55, 5058
7th floor SSS Building, East Avenue,
Diliman, Quezon City

Read more...