4M pamilya maapektuhan, lampas 800k kailangan ilikas kay ‘Ompong’ –NDRRMC

AABOT sa 4 milyon katao ang maaapektuhan at mahigit 800,000 ang kailangang ilikas dahil sa bagyong “Ompong,” sabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council executive director Ricardo Jalad.

Ang 4 milyon “exposed population” ay yaong mga nakatira sa mga bahagi ng Cagayan, Isabela, Apayao, Abra, Mt. Province, Ifugao, Ilocos Sur, Ilocos Norte na dadaanan ng 250-kilometrong diameter o lawak ng bagyo, sabi ni Jalad sa mga reporter.

“Sa four million na ‘yan, ang poor families, most of these, will be pre-emptively evacuated, nasa 800 thousand individuals,” aniya pa.

Kung tatanggi ang mga kailangang ilikas ay maaaring magpatupad ng “forced evacuation” ang mga lokal na pamahalaan, ani Jalad.

1k lumikas na, dadami pa

Sa mga nakalap na datos ng Bandera, lumalabas na 273 pamilya o mahigit 1,100 katao na ang nailikas sa Buguey, Cagayan; Pagudpud at Pasuquin ng Ilocos Norte; Itogon, Benguet; at Rizal, Kalinga, Huwebes ng umaga.

Inaasahang tataas pa ang bilang ng mga nagsilikas dahil nagpatuloy pa ang pre-emptive evacuation sa mga nabanggit na lalawigan, habang isinusulat ang istoryang ito.
Coastal areas delikado

Kabilang sa mga nagpapalikas pa ang mga bayan ng Sta. Ana, Gonzaga, Aparri, Sta. Teresita, at Calayan ng Cagayan habang nagbabala na rin sa Claveria at Sta. Praxedes, sabi ni Rogie Sending, tagapagsalita ng pamahalaang panlalawigan.

“Kung titingnan mo ang lahat ng coastal areas, may 11 municipalities lahat. Almost half a million ang expected na maaapektuhan, sa northern part pa lang ng Cagayan,” sabi ni Sending nang kapanayamin ng Bandera sa telepono.
Partikular na inabisuhan sa posibleng pagkakaroon ng storm surge o daluyong ang mga residente ng coastal areas, dahil sa lakas ng hanging taglay ng bagyo, sabi ni Michael Conag, tagapagsalita ng Office of Civil Defense-2.
Pero bago mag-tanghali ay bahagyang lumihis pababa ang direksyon ni “Ompong,” kaya nagbabala na rin sa mga bayan ng Maconacon, Dinapigue, at Divilacan ng Isabela, aniya.

Kapitbahay kupkupin

Ayon kay Sending, pinaghandaan na rin ng Cagayan ang posibilidad na abutan ng bagyo ang mga lilikas bago pa makarating sa evacuation centers, kaya pinakiusapan ng pamahalaang panlalawigan ang mga kapitbahay at mga lugar-sambahan na patuluyin ang mga lilikas.

“In case di makaabot sa evacuation centers ang ating mga kababayan, meron kami ditong tinatawag na adopt-a-neighbor. Kung mayroon kang matibay na bahay, pinapakiusapan ka ng pamahalaang panlalawigan na kupkupin mo yung kapitbahay mo na may mahinang bahay. Pinakiusapan din ng governor namin ang mga churches dito na i-open mga church nila para gawing evac center, regardless of religion,” aniya.

Una dito, kinansela na lahat ng klase sa lalawigan at sinimulan nang ipatupad ang liquor ban.

Ngayong araw (Biyernes) ay wala na ring pasok sa trabaho ang mga pribadong kompanya at pampublikong institusyon sa lalawigan, maliban sa mga kasali sa pagresponde sa bagyo.

Read more...