Naitala sa 19.7 porsyento (8.6 milyon) ang walang trabaho sa survey noong Hunyo, mas mababa ito sa 23.9 porsyento (10.9 milyon) sa survey noong Marso.
Sa bilang ng mga walang trabaho, dalawang porsyento ang natanggal sa pinapasukan, apat na porsyento ang hindi na na-renew ang kontrata, dalawang porsyento ang nagsara ang kompanyang pinapasukan, 10 porsyento ang kusang loob na umalis sa pinapasukan at tatlong porsyento ang hindi pa nararanasan na magtrabaho.
Sa mga walang trabaho pinakamarami ang nasa Mindanao (21 porsyento) at tig-19 porsyento naman ang Metro Manila, iba pang bahagi ng Luzon at Visayas.
Umaasa naman ang 47 porsyento na mas darami pa ang mapapasukang trabaho sa susunod na 12 buwan samantalang 15 porsyento ang nagsabi na malamang ay kumonti pa ang mapapasukang trabaho.
Wala namang nakikitang pagbabago ang 24 porsyento at hindi alam ng 14 porsyento kung darami o hindi ang mapapasukang trabaho.
Ginawa ang survey mula Hunyo 27-30. Kinuha ang opinyon ng 1,200 respondents.