Jeepney nabangin: 14 patay, 25 sugatan

LABING-APAT katao ang nasawi at 25 pa ang nasugatan nang mahulog ang jeepney, na puno ng mga senior citizen, sa isang bangin sa Balbalan, Kalinga, Martes ng hapon, ayon sa pulisya.

Kabilang sa mga nasawi sina Victorino Banglagan, Soledad Dammay, Eliza Amoga, Rosario Badong, Isabel Bagni, Agida Palangdao, at Lolita Latawan, ayon sa ulat ng Cordillera regional police.

Nasawi rin sina William Gamongan, Leota Maday, Angelina Benito, Benjamin Badong, Terresa Dulansi, Annie Baluga, at Martin Canao.

Walo sa kanila’y agad nasawi at ang iba pa’y binawian ng buhay sa ospital.

Kabillang naman sa mga sugatan ang driver na si Francisco Gumaad Jr., 36.

Naganap ang insidente dakong alas-2:30, habang minamaneho ni Gumaad ang jeep sa bahagi ng Provincial Road na sakop ng Sitio Binalagan, Brgy. Dao-angan.

Minamaneho ni Gumaad ang jeep patungong Dao-angan para ihatid pauwi ang mga sakay, na pawang mga senior citizen na kakukuha lang ng pensyon sa Poblacion.

“Puro senior citizen ‘yung sakay. Inarkila nila ‘yung jeep para kumuha sila ng pension sa Poblacion. Nung pabalik na sila, punung-puno yung sasakyan,” sabi sa Bandera ng isang non-uniformed personnel ng Balbalan Police.

Lumabas sa imbestigasyon na habang binabagtas ang pababang kalsada’y nagkaroon ng “mechanical error” ang jeep, kaya nagtuluy-tuloy ito sa banging may lalim na 80 metro, aniya pa.

Habang isinusulat ang istoryang ito’y binabantayan ng mga pulis ang mga sugatan, kabilang si Gumaad, sa ospital. 

Read more...