KUMPIYANSA ang kampo ni House Minority Leader Danilo Suarez na walang saysay ang paghingi ng saklolo ng grupo ni dating Speaker Pantaleon Alvarez at ex-Majority Leader Rodolfo Farinas sa Korte Suprema upang makuha ng minorya.
Sa press briefing kahapon sinabi ni Suarez na sanay na siya na nakukuwestyon sa Korte Suprema at gaya ng mga naunang desisyon nito ay siya ang idedeklarang lehitimong minority leader.
Bukod dito, 45 na umano ang miyembro ng grupo ni Suarez na malayo sa 10 miyembro ng grupo ni Alvarez.
Nang maupo si Suarez bilang minority leader noong 2016 ay kinuwestyon ito ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat. Nagdesisyon ang SC pabor kay Suarez.
Sinabi ni Farinas na hiniling nila s SC na maglabas ng temporary restraining order upang pigilan si Suarez na gampanan ang tungkulin ng minority leader.
Nag-ugat ang pagkuwestyon sa pamumuno ni Suarez sa pagboto nito kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa pagka-speaker kapalit ni Alvarez.
“Indeed, if Respondent Suarez did not vote for Respondent [Arroyo] as the winning candidate for Speaker, he would still be the incumbent Minority Leader of the HOR,” saad ng petisyong ng grupo ni Alvarez.