Bukod sa central office ay nagtaas na rin ng “red alert” ang Office of Civil Defense-Cordillera, sabi ni NDRRMC spokesman Edgar Posadas.
Naka-blue alert pa Martes ang mga tanggapan ng OCD sa Ilocos at Cagayan Valley regions, pero maaaring magtaas ng alerto ngayong araw (Miyerkules).
Inaasahan ding magtaas ng alerto ngayong araw ang NDRRMC “response cluster” na pinamumunuan ng Department of Social Welfare and Development, ani Posadas.
Bagyo lumakas pa
Namataan ang bagyong may international name na “Mangkhut” sa layong 1,845 kilometro silangan ng Southern Luzon, Martes ng umaga.
Bahagya itong lumakas at may taglay nang hangin na 170 kilometro kada oras at bugsong aabot sa 210 kph, habang umuusad pa-kanluran sa bilis na 25 kmph.
Liquor ban ikinasa
Samantala, naghahanda na ang pulisya na magpatupad ng liquor ban sa Cagayan bilang preparasyon sa inaasahang pagdaan ng bagyo, na maaaring maging “super typhoon,” sa lalawigan.
“We’ll be setting up personnel to implement ‘yung liquor ban… hindi naman kasi magandang may nag-iinuman sa evacuation center,” sabi ni Senior Supt. Warren Gaspar Tolito, direktor ng Cagayan provincial police, sa isang pulong-balitaan sa Tuguegarao City, Martes.
Bago ito, sinabi ni Cagayan Gov. Manuel Mamba sa pulong ng Provincial Climate Change and Disaster Risk Reduction Management Council (PCCDRRMC) na balak niyang magpatupad ng liquor ban dahil sa inaasahang pagdaan ng bagyo.
Una nang isinailalim ng PCCDRRMC sa “red alert” ang operations center nito noong Sabado, bilang paghahanda sa bagyo.
Ayon kay Tolito, lahat ng mga dadamputin sa liquor ban ay mananatili nang 11 oras sa mga police station.
“Magpahinga muna sila sa police station. We’ll be giving them around 11 hours to stay at the station, after that ire-release din naman sila so that we’ll not be charged with illegal detention or arbitrary detention,” aniya.
Palit-uniform
Kaugnay nito, inatasan na ang lahat ng pulis sa Cagayan Valley na magsuot ng search and rescue uniform simula Miyerkules, bilang paghahanda sa bagyo, sabi ni regional police spokesman Supt. Chevalier Iringan.
Nananatili pa sa “heightened alert” ang pulisya sa rehiyon Martes, ngunit maaari pang itaas ang estado ng alerto oras na lalo pa itong lumapit sa kalupaan, aniya.
Inalerto naman ng Armed Forces Northern Luzon Command ang mga unit ng Army, Navy, at Air Force na nasasaklawan nito para sa posibleng pagsasagawa ng humanitarian assistance and disaster response operations.