ASAM ng Philippine dragon boat team na maduplika ang itinala nitong tagumpay dalawang taon na ang nakalipas sa World Championships kahit iba na ang mga miyembro ng pambansang koponan.
Handang-handa nang sumagupa ang 23-kataong pambansang kopona na binuo ng Philippine Canoe Kayak Dragonboat Federation (PCKDF) na nagtungo sa Gainsville, Georgia noong Linggo sa pinakamalaki nitong hamon sa Lake Lanier sa Setyembre 13-16.
Bitbit ng koponan ang misyon na muling ipakita ang husay kahit halos kabataan ang kasama nitong sasagwan para sa 2018 International Canoe Federation Dragon Boat World Championships.
“We won three gold medals two years ago. I’m not in the habit of making bold predictions, but I’m confident that we can deliver,” sabi ni PCKDF head coach Len Escollante sa paglipad nito Linggo ng umaga patungo sa Estados Unidos para sa kompetisyon na kabilang sa torneo ng International Canoe Federation (ICF).
Una nang nagwagi ng gintong medalya ang PCKDF sa senior mixed 20-seater 200-meter at 500-meter events pati na rin sa 10-seater mixed junior 200m race sa katulad na torneo noong 2016 sa Moscow, Russia.
Makakasagupa ng Pilipinas ang mga mas malalaki at matatangkad na mga kalaban na nagmula sa Russia, Hungary, Germany, France at host USA sa mixed 20-seater 200m, 500m at 2000m races.