PBA Season 44 bubuksan sa Enero


MALAKING pagbabago ang magaganap sa ika-44 season ng Philippine Basketball Association (PBA) na magbubukas sa Enero 13, 2019.

Ang susunod na season ay inaasahang lalampas sa isang taon kapag isinagawa na ang pagbabago sa kalendaryo ng mga kumperensiya ng liga upang maiayon nito sa iskedyul ng FIBA na ang pinakatampok na torneo ay ang 2019 World Cup sa China na gaganapin mula Agosto 31 hanggang Setyembre 15.

Inatasan na ni PBA Board chairman Ricky Vargas ng TNT KaTropa ang Office of the Commissioner sa ilalim ni Willie Marcial na asikasuhin ang pagsasaayos ng mga iskedyul at isaalang-alang ang FIBA World Cup qualifier sa Pebrero.

Ipinaliwanag ni Marcial na sisimulan ang PBA Season 44 sa Enero 13 para sa Philippine Cup at ang huling torneyo na Governors’ Cup ay inaasahang magtatapos sa Enero ng taong 2020.

“That’s the commitment the PBA is throwing to the SBP and the national team,” sabi ni Marcial matapos dumalo sa kanyang unang taunang board meeting at planning session bilang commissioner sa Venetian Hotel sa Las Vegas, Nevada, USA.

Target ng Team Pilipinas na makakuha ng isa sa pitong silya para sa Asya sa 2019 FIBA World Cup.

Ibinigay din ng buong board ang suporta kay Marcial.

Dumalo sa naturang board meeting ang mga governor na sina Dickie Bachmann (Alaska), Alfrancis Chua (Barangay Ginebra), Robert Non (San Miguel), Rod Franco (NLEX), Eric Arejola (NorthPort), Siliman Sy (Blackwater), Atty. Raymond Zorilla (Phoenix), Rene Pardo (Magnolia), Atty. Mamerto Mondragon (Rain or Shine), Bobby Rosales (Columbian Dyip) at Al Panlilio (Meralco) na siya ring presidente ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).

Matatandaang ngayong taon ay nagbigay daan na ang liga para sa kampanya ng Team Pilipinas sa FIBA World Cup qualifiers pati na sa 18th Asian Games na nagtulak sa 2018 PBA Governors’ Cup na magtapos sa Disyembre 13.

Tatlong araw matapos ang kampeonato ay isasagawa na rin agad ang PBA Rookie Draft.

Read more...