Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. Letran vs San Beda
4 p.m. St. Benilde vs San Sebastian
Team standings: Lyceum (11-0); San Beda (10-1); Letran (7-3); St. Benilde (7-3); Perpetual Help (5-5); Arellano (4-6); EAC (2-8); Mapua (2-8); JRU (2-9); San Sebastian (2-9)
PAIIGTINGIN ng nagtatanggol na kampeong San Beda Red Lions at Letran Knights ang isa sa pinakamatinding tunggalian sa collegiate basketball sa tampok na laro ngayong hapon sa ikalawang round ng NCAA Season 94 men’s basketball tournament sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Maghaharap ganap na alas-2 ng hapon ang Red Lions na hangad mapanatili ang kapit sa No. 2 spot habang asam naman ng Knights na kumapit sa solong ikatlong puwesto sa pagkuha ng inspirasyon sa may sakit nitong manlalaro na si Jerrick Balanza.
Puntirya ng Red Lions ang ika-11 panalo sa 12 laro habang bitbit naman ng Knights ang 7-3 record na nagsalo rito sa ikatlong puwesto kasama ng College of St. Benilde Blazers.
Nasa solo lead pa rin ang Lyceum of the Philippines University Pirates (11-0).
Tinalo ng Red Lions sa kanilang unang paghaharap ang Knights sa overtime, 80-76, noong Agosto 10 mula sa mainit na paglalaro nina Robert Bolick, Donald Tankoua at AC Soberano.
Umaasa naman ang San Beda na reresbakan sila ng Letran.
“We expect it to be tougher for us because we know Letran is a strong team and is always a contender,” sabi ni San Beda coach Boyet Fernandez.
Pilit naman susundan ng Letran ang iniuwi nitong emosyonal na 99-82 panalo kontra Arellano University noong Huwebes sa laro na inialay nila ang panalo sa kasamahan na si Balanza na sumailalim sa surgery para maalis ang tumor sa kanyang utak.
“We will dedicate all our remaining games to Jerrick,” sabi ni Letran coach Jeff Napa.
Magkakatapat naman ang St. Benilde at San Sebastian Stags sa ganap na alas-4 ng hapon.
Nabigo ang Blazers sa kanilang paghaharap ng Stags sa unang round subalit binawi ng liga ang resulta matapos na mapatunayan na ang manlalaro ng San Sebastian na si RK Ilagan ay naglaro sa ibang liga na hindi kinikilala ng NCAA.
Samantala, magsasagupa muna ganap na alas-10 ng umaga sa juniors division ang San Beda Red Cubs at Letran Squires na susundan ng salpukan sa pagitan ng St. Benilde Greenies at San Sebastian Staglettes sa alas-12 ng tanghali sa parehong venue.