INIMBITAHAN ng nag-oorganisang Philippine Sports Commission (PSC) si Pangulong Rodrigo Roa Duterte para siyang maging panauhing pandangal sa gagaganapin na pambukas seremonya ng Batang Pinoy National Championships 2018 na isasagawa sa Setyembre 15-21 sa Baguio City, Benguet.
Maliban kay Duterte ay inimbitahan din ang mga opisyales mula sa Philippine Olympic Committee (POC) pati na iba’t-ibang pangulo ng national sports association sa bansa upang makita ang pagsasama-sama ng mahigit 7,000 atleta, coaches at officials ng 17 rehiyon sa bansa sa makasaysayang Baguio Athletic Bowl.
Pangungunahan mismo ni PSC Chairman William Ramirez ang pitong araw na multi-sport event para sa mga kabataang atleta na out-of-school at in-school youth na may edad 15-anyos pababa na nakatuon para agad na madiskubre at makita ang mga susunod na henerasyon ng mga pambansang atleta.
“There are still some details that need to be fine-tuned as in all events, but all in all, we are really ready. Baguio is a gracious and cooperative host,” wika ni Ramirez sa pangunahing grassroots development program ng ahensiya ng gobyerno sa sports na 11th Batang Pinoy National Finals 2018.
Ipinaalam din ni Batang Pinoy Secretariat Head Gloria “Alona” Quinto na inaasahan nitong magsisidatingan ang mga kalahok simula ngayong linggo habang nagsimula nang magdatingan sa City of Pines ang mga working committee members upang asikasuhin ang paghahanda para sa paligsahan.
Magtutulong sina Baguio City Mayor Atty. Mauricio Domogan at Ramirez sa pagdeklara sa pagbubukas ng torneo.Siniguro ni Ramirez na maitaas lalo ng ahensya ang antas ng Batang Pinoy sa kada pagsasagawa ng programa.
“We have been doing this for some years now. We want to be able to present a much improved event,” sabi ni Ramirez.
Isang dambuhalang electronic LED ang ilalagay sa Burnham Park upang maipakita sa publiko ang bawat kaganapan sa mga laro at labanan gayundin ang mga results, schedules at highlights.
Kabuuang 27 sports, na ang 18 ay dumaan sa tatlong qualifying leg sa Luzon, Visayas at Mindanao, at ilang diretso na sa Finals ang paglalabanan sa iba’t-ibang pasilidad sa Baguio City at katabi nito na La Trinidad, Benguet.Maliban sa dancesports na isasagawa lamang sa loob ng isang araw ng kompetisyon sa Setyembre 20, lahat ng kasamang sports ay magsasagawa ng dalawa hanggang pitong araw na kompetisyon.