Nietes-Palicte title bout nauwi sa kontrobersyal na split draw

NAUWI sa kontrobersyal na draw ang ginanap na world title fight sa pagitan ng mga Pilipino na sina Donnie Nietes at Aston Palicte para sa bakanteng korona ng World Boxing Organization (WBO) super flyweight Linggo ng umaga sa The Forum sa Inglewood, California, USA.

Hindi nakumbinsi ng mahusay na paglaban ni Nietes ang mga hurado upang muling maghintay para sa panibago nitong pagkakataon na maging world champion sa ika-apat na dibisyon.

Isa lamang sa mga hurado ang pumabor kay Nietes sa pag-iskor ng 118-110 habang ang isa ay pinaboran si Palicte sa ibinigay nitong iskor na 116-112. Nagbigay naman ang ikatlong hurado ng tablang iskor na 114-114.

Inaasahan na muling maghaharap sa isang rematch sina Palicte at Nietes, na pinakamatagal na Pilipinong world boxing champion kung saan naging kampeon ito sa WBO minimumweight noong 2007, WBO light flyweight noong 2011 at IBF flyweight division noong 2017.

Unang pagkakataon din ito ni Nietes na lumaban sa 115-pound division kung saan itinaya nito ang kartada na hindi pa nakakatikim ng kabiguan sapul noong 2004.

Sa huling 14 taon ay hindi nakalasap ng kabiguan si Nietes sa loob ng 34 laban kung saan 30 dito ay panalo at apat ang draw.
Ang 36-anyos na si Nietes ay nagkaroon ngayon ng 41-1 ring record na may limang draw at 23 knockouts.

Ang 27-anyos na si Palicte ay may record na 24-2 na may isang draw.

Dalawang Pinoy pa lamang ang nanalo ng titulo sa apat na dibisyon. Ito ay sina Manny Pacquiao at Nonito Donaire.

 

Read more...