MASAYANG ibinalita ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz ang pagbibigay ng extension ng Kaharian ng Saudi Arabia sa pagpapabalik ng mga ilegal na dayuhan na nananatili pa sa kanilang bansa.
Nag-alala ang mga kamag-anakan ng ating mga OFW at mga kababayan nating ilegal na nanatili sa Saudi. Kaya’t nakahinga sila nang maluwag nang pumayag ang Saudi na pagbigyan hanggang Nobyembre ang deadline nang pagpapauwi sa mga ilegal na naroroon at upang maipatupad na ang Saudization policy – ang polisiya na mabigyan ng trabaho ang mga Saudi national kaysa nga naman ibigay pa ito sa mga dayuhan gaya ng mga Pinoy.
Gayong kilala na ang terminong 3-D (Dangerous, Difficult at Dirty) na mga trabaho na dating ibinibigay sa mga dayuhan, ngayon ay ibibigay na rin sa mga Saudi national upang matugunan ang tumataas nilang bilang ng unemployment.
Ayon kay Baldoz, higit nilang pinaigting ngayon ang pagseserbisyo sa ating mga kababayan sa Saudi upang matugunan ang mga kahiligan ng Saudi government para sa pagpoproseso ng kanilang mga dokumento.
Iba’t iba ang sitwasyon ng mga Pinoy sa Saudi. May mga pumasok naman nang legal pero nakalabag sa mga immigration at domestic law. Ang iba’y nakakulong o di kaya’y patuloy pang hinaharap na kaso.
Ang iba naman ay legal ngang nakapasok din ng Saudi, ngunit tumakas sa kanilang mga employer at nakakita ng panibagong mga employer, kung kaya’t wala na rin silang bago at tamang mga dokumento.
Meron naman ay sadyang ayaw nang umuwi ng Pilipinas – sila na may 10 hanggang 20 taon nang naninirahan doon at nagkaroon na ng pamilya.
Iyan ang samu’t-saring mga kalagayan ng ating mga kababayan sa Saudi gayong hindi rin naman nila masyadong hinihigpitan ang paghingi ng iba pang mga requirement tulad ng No Objection Certificate (NOC) at exit clearance mula sa mga dating employer na hindi na rin nila nakikita na o di kaya ay ayaw talagang magbigay ng mga ganoong dokumento.
Malaking pasasalamat din ng mga kababayan nating kahit gustung-gusto nang umuwi ng Pilipinas ay hindi nila magawa dahil sa napakaraming mga kaso na kailangan nilang harapin. Ngayon katuwang pa nila ang ating pamahalaan upang maibsan kahit paano ang kanilang mga problema at nang makabalik na sa bansa.
Ayaw pauwiin
Magkasama sa Riyadh, KSA ang magkapatid na Robert at Rico Punzalan. Pareho silang nagtatrabaho bilang tower crane operator. Dalawang buwan na silang hindi pinapasahod at hindi rin ibinibigay ang kanilang overtime pay. Hindi rin nasunod ang kanilang kontrata dahil dinala pa sila sa Yanbu, ang dulong bahagi ng Saudi Arabia.
Nauna nang nakauwi ng bansa si Robert noong nakaraang Hunyo 9 at ipinasiya niyang magtungo sa Bantay OCW upang ihingi ng tulong ang kapatid na si Rico na makauwi na rin sana ng Pilipinas.
Ilang buwan na ring walang trabaho si Rico at hindi rin pinapayagang makauwi. Puro pangako lang din naman anya ang ahensiyang nagpaalis sa kanila, ang Concept Placement Resource, Inc., na makakauwi rin ang kanyang kapatid.
Agad namang nakipag-ugnayan ang Bantay OCW kay Labor Attache’ Adam Musa ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh, KSA at ipinagbigay alam ang problema ni Rico. Matapos alamin ang kalagayan ni Rico, masayang ibinalita ni Labatt Musa na naghihintay na lamang anya ng ticket si Rico mula sa Concept Agency. May exit visa na rin ito pati na ang iba pang mga kasamahan niya. Nitong Hulyo 3 ay dapat nakauwi na si Rico. Hihintayin namin sina Rico at Robert sa kanilang nakatakdang pagdalaw sa Radyo Inquirer studio.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 11:00 am-12:00 nn, 12:30-2:00pm audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm. E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com