Five-year guaranteed pension sa SSS

By Liza Soriano September 08,2018
share this

Five-year guaranteed pension sa SSS

By Liza Soriano September 08,2018
share this

GOOD day ma’am,

Hihingi po ako ng payo sa inyo. Ang aking papa po ay namatay noong May 2, 2018 at nakuha naman po namin yung burial benefit mula sa SSS. Ang kaso po, hindi na raw po namin makukuha yung SSS death claim. Meron din pong monthly pension po si Papa every month. Makakakuha pa po ba kami ng SSS death claim or pension na itatransfer po sa nanay ko or kapatid ko po?

Hindi po kasi kasal ang mother ko sa father ko. Ano po ba ang pwede naming gawin? Pinag-hintay po kasi ang mother ko at pinabalik-balik sa SSS para sa death claim. Tapos po nung due date na po para sa death claim hindi na raw po makukuha sabi ng taga-SSS. Cancelled daw po. Ano po ang pwede naming gawin at saan po kami pwede lumapit para humingi ng tulong? Sana po masagot ninyo ang mga tanong ko. Maraming salamat po Madame.

Ako po si Gil Desquitado ng Antipolo City ang name po ng Father ko is Gelacio Desquitado at ang mother ko po is Glenita Desquitado.

Lubos po na
gumagalang,
Gil Desquitado

REPLY: Ito po ay bilang tugon sa inyong email kung saan itinatanong ninyo ang tungkol sa death claim para sa pagkamatay ng inyong ama.

Nais po naming ipaalam sa inyo na ang benepisyo sa pagkamatay ay ibinibigay bilang panghabambuhay na pensiyon sa legal na asawa ng namatay na miyembro at sa mga menor de edad na anak nito kung ang miyembro ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon bago ang semestre ng pagkamatay. Ang mga naiwan ng mga miyembrong hindi umabot sa 36 buwan ang kontribusyon ay makatatanggap ng lump sum death benefit.

Ang legal na asawa at ang mga menor de edad na anak ay ang mga primary beneficiaries ng miyembro. Tanging ang primary beneficiaries lamang ang nabibigyan ng panghabambuhay na pensiyon. Ang secondary, designated beneficiaries at legal heirs ay nababayaran lamang ng lump sum benefit.

Matitigil lamang ang pensiyon ng legal na asawa kung ito ay magkaroon ng ibang relasyon o mag-asawang muli. Ang mga menor de edad na anak naman ay tatanggap ng dependent’s pension hanggang sa sila ay hindi pa umaabot sa edad na 21, mag-asawa, makapagtrabaho o mamatay.

Sa mga pagkakataon na walang legal na asawa ang miyembrong namatay, ang susunod na isasaalang-alang ay ang mga magulang ng miyembro. Ang mga magulang ng miyembro ay tinatawag na secondary beneficiaries.

Kung wala na rin ang mga magulang ng miyembro, ibibigay ang lump sum benefit sa mga designated beneficiaries o ang sinuman ang inilista ng member sa kanyang SSS Form E1 at SSS Form E4. Kung wala na ring designated beneficiaries, maaaring isaalang-alang ang mga legal heirs ng miyembro.

Ayon sa inyong salaysay, hindi kasal ang inyong mga magulang. Dahil dito hindi maaaring ma-consider na legal spouse ang inyong mother. Nakita rin namin na pensiyonado na ng SSS ang inyong ama noon pang December 2001. Dahil dito naubos na ang five-year guaranteed pension.

Sa ilalim ng five year guaranteed pension rule, kapag ang miyembro ng SSS na nakatatanggap ng retirement pension o total permanent disability pension ay mamatay bago pa umabot sa limang taon ng pagtanggap ng pensiyon, ang balanse nito ay ibibigay sa mga secondary, designated o legal heirs nito.

Halos 12 taon na nakatanggap ng pensiyon ang inyong ama kaya naubos na rin ang five year guaranteed pension. Ikinalulungkot po naming sabihin na wala na pong death benefit na maaaring ibigay sa inyong ina.

Nais po naming ipaalam sa inyo na ang inyong ama ay naghulog ng 357 buwan sa SSS sa halagang P93,724.70. Batay sa mga hulog niya sa SSS, nabigyan siya ng pensiyon sa loob ng 199 buwan sa halagang P1,643,728.56.

Sana po ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan.

Salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Sumasainyo,
May Rose DL
Francisco
Social Security
Officer IV
SSS Media Affairs
Department

May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending