Makamundong pari

By Lito Bautista September 07,2018
share this

Makamundong pari

By Lito Bautista September 07,2018
share this

MAY misteryosong balak ang Diyos sa suliranin ng mga pari? Iyan ang tanong sa Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (1 Cor 2:1-5, Sal 119:97-102; Lc 4:16-30) sa paggunita kay San Gregorio Magno (Great), papa at pantas ng simbahan.

Lugmok sa panghuhusga’t pandudusta ang mga paring Katoliko sa Pinas dahil sa mga kinatawan ni Kristo na nilitis at kinondena sa Australia, Chile, Pennsylvania at Ireland. Ang Mahal na Birhen Maria ay nakita ang magaganap noon pa mang 17th century sa pagpapakita sa Ecuador at sa France (noong 19th century). Demonyo ang nakita ni Maria; at atheism, ang di paniniwalang may Diyos. Sa bagong nobela ni Dan Brown, mananaig ang siyensiya sa Diyos at mismong ang mga itinalaga (consecrated) ang masasangkot sa malalaking patayan.

Pantas ang demonyo sa panlilihis sa bokasyon ng mga inordinahan. Hindi ko alam ang mga naganap sa ibang bansa. Pero sa Pinas, base sa umiiral na mga batas ng gobyerno’t simbahan, ang akusasyon ay di pa katibayan. Sa paglilitis-kriminal, mahaba ang proseso ng gobyerno’t simbahan. Mahalagang maisampa agad ang reklamo sa unang paglabag. Sa ibang bansa, pauunlakan ang reklamo (at lilitisin) kahit 50 taon na ang nakalilipas, saka peperahan ang mga pari hanggang sa magsara ang mga simbahan dahil nasaid sa kaaareglo.

Anumang kasalanang sekswal ng mga pari ay may katapat na parusa sa laye sibil. May mga nilitis; pero wala pang nahuhusgahan na nanggahasa ang pari. Noong ’90s, nagpaunlak ang pari nang yayain ng babaeng parokya na manood ng sine sa Mandaluyong. Nadarang sa sinehan at nagkayayaan sa kalapit na Pasig. Nabuntis ang babae at walang reklamong kriminal sa pari.

Kung walang reklamong kriminal, walang kaso. Maraming pari ang maraming ring inanakan. Mga paring Aglipay, at sila’y isinama sa pandaigdigang estadistika. Nadumihan na naman ang mga pari sa Pinas. Nademonyo ang mga pari; at nademonyo rin naman ng kanyang sariling Satanas si San Pablo.

May mga baklang pari, pero hindi sila nagkakasala hangga’t di nila ginagalaw ang laman ng mga bata’t kapwa lalaki (maging si Pope Francis ay tanggap ang mga bakla para akayin sa tama’t kabanalan). Idinawit si Pope Francis kahit walang katibayan. Sa simula ng pamamahala, naglaho ang luho ng mga obispo’t cardinal sa Vatican at sa sandaigdigang diyosesis. Kaya natural na magkaroon ng kaaway si Pope Francis at masidhing kritiko sa burokrasya sa Vatican, ang curia. Niresbakan ang Santo Padre.

Maraming santa, tulad nina Faustina, Lucila, Bernadette, Katerina, atbp., ang nakasilip sa purgatoryo’t impiyerno, sa kagandahang loob ni Maria mula sa kanyang mga pagpapakita. May mga pari’t obispo nga. Kung kulong at danyos lang ang parusa ng tao, walang hanggang pagngangalit, iyakan at apoy ang parusa ng Diyos.

Kung di nagreklamo ang biktima pagkalipas ng mga taon laban sa pari, may paninindigan ba siyang magreklamo ngayon? Bakit niya pinalagpas ang mga insidente, hanggang sa magkaanak siya o kumita mula sa pari sa paraan ng sustento? May prescriptive period ang bawat krimen sa Pinas. Nakatulog? Napakahimbing naman.

Kahit si Fr. Joseph Ratzinger ay nakita ang pag-impis ng simbahan noong 1970, pero hindi ito mawawalan ng lakas. Kaya, babangon ang simbahan at mas lalakas pa. Kung ang simbahan ay nasa karimlan, gagabayan siya ng ating puso para tahakin ang daan at dadalhin siya ng ating isipan sa liwanag ng muling kabanalan. Oremus.

UST (Usaping Senior sa Tawiran, Obando, Bulacan): Huwag igiit na palagi kang tama at mali ang nakababata. Sa masidhing pakikipagtalo ng mga bata, mauubusan ng pasensiya’t lakas ang senior. Hazardous to your health.

PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Bintog, Plaridel, Bulacan): Huwag makipagtalo sa traffic enforcers, sa awtoridad. Roma 13:1-2

MULA sa bayan (0916-5401958): Ginto ang presyo ng diesel. …9007, Tumanan, Bislig.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending