MASAMA ang kutob ng ilang opisyal ng militar sa Sorsogon. Napatay kasi ng nagpapatrolyang mga sundalo ng 31st Infantry Battalion ang walo, o higit pang, hinihinalang mga kasapi ng NPA sa Barangay Calmayon, Juban, na itinurong sangkot sa pangingikil (revolutionary tax).
Kung masama ang kutob nila, asahang eeksena ang Commission on Human Rights para sa mga nasawi. Sa Quezon City, maraming pulis ang binato at nasugatan ng mga squatter. Wala sa panig nila ang CHR.
Maliit na bayan ang Dolores, Quezon at mahirap ang pamumuhay dito, lalo na ngayon, bagaman maraming politiko sa Quezon ang kaalyado ni Pangulong Aquino. Nang barilin at napatay ng mga nakamotor sina Barangay Chairman Ricardo Romero, 58, at asawang si Wilma, nagimbal ang marami. Kahit mga pulis ay di makapaniwalang sa bayan na halos lahat ay magkakakilala ay magaganap ang karumal-dumal na krimeng ganito. Sino ba ang crime czar? Sino ba ang hepe ng PNP?
Dalawang hepe na ng mga istasyon ng Manila Police District ang sinibak ni Mayor Erap. Mas makabubuting palitan na ang lahat ng hepe ng mga istasyon at mga “sensitibong” units sa headquarters. Kapag nangyari ito, bababa ang bilang ng krimen sa Maynila. Lalo na kapag ang ipinalit ay nagtatrabaho. Maniwala kayo sa sinasabi ng matatandang reporter sa MPD.
Noong dekada 50, naka-long sleeves ang mga pulis. Matitikas sila sa kanilang unipormeng khaki, na maluluwang ang pantalon at inalmerol pa. Nang ipatupad ang kasalukuyang uniporme, binago ang uniporme ng security guards dahil kakulay ng uniporme ngayon ng mga pulis ang uniporme ng mga guwardiya noon. Kaya puting long sleeves na ang uniporme ng mga guardiya. Ngayon, babaguhin na naman ang uniporme ng mga pulis. Kung gusto nila, araw-araw, baguhin ang uniporme ng mga pulis kung bababa ang bilang ng krimen. Noong dekada 50, walang pulis na nasasangkot sa kotong. Ngayon, halos lahat ng presinto, may kotongerong pulis. Oo nga naman. Ang pananahi ng uniporme ay hanapbuhay din.
Wala raw mga bagong manufacturers sa bansa kaya marami ang walang trabaho, anang mga ekonomista. Pero, ang Senado at Karama ang pinakamalaking manufacturer ng batas, kaya marami ang jobless.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Sir Lito, sinabon ni Pangulong Aquino ang administrator ng NIA. Dito sa amin sa Barangay Manga, Matanao, Davao del Sur, may NIA office. Noong 2010, lahat ng empleyado ay inilipat sa Provincial Irrigation Office. Ang dahilan po nila, doon sa PIO magre-remit ang lahat ng irrigators association.
Ang problema po naming mga opisyal, walang pumupuntang taga-NIA dito sa amin. Ang bayad namin sa isang ektaryang patubig ay P2,550. Napakalaki nito para sa aming mahihirap na magsasaka. Sira na rin ang concrete lining ng patubig. Ang idinadahilan ng gobyerno ay wala raw budget. Sana po, sa pamamagitan ng inyong kolum, mabasa ito ni Pangulong Aquino o makarating man lang sa kanya dahil bago na ang mamumuno ng NIA. …7017
Bakit hindi ayusin ng LTO Tagum na nasa Capitol ang kanilang computer system? Marami namang pera ang LTO. Marami na ang naghihintay ng kanilang mga lisensiya. Mas gusto pa namin ang baluktot na daan noon kasi may lisensiya agad. Ngayong tuwid na raw, ang tagal ng paghihintay para lang dumating ang lisensiya. Pagmamaneho lang ang hanapbuhay namin. …5023