NASAWI ang alkalde ng Ronda, Cebu, na kamakailan lang ay pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang “narco-list,” matapos pagbabarilin ng armadong kalalakihan sa kanyang tanggapan sa munisipyo, Miyerkules ng madaling-araw.
Dinala pa si Mayor Mariano Blanco sa ospital sa bayan ng Barili matapos matagpuang duhuan sa kanyang opisina, ngunit idineklarang patay ng doktor, sabi ni Supt. Reyman Tolentin, tagapagsalita ng Central Visayas regional police.
Naganap ang insidente dakong ala-1:30.
Sinabi sa pulisya ng dalawang tanod na bago iyo’y dumating ang apat na lalaking lulan ng puting van, at bigla silang tinutukan ng baril at pinadapa sa lupa.
Kasunod noo’y umalingawngaw na ang putok ng baril mula sa mayor’s office, at saka umalis ang mga di kilalang tao, ani Tolentin, gamit bilang basehan ang ulat na nakarating sa kanyang tanggapan.
Agad nagtungo ang mga tanod sa tanggapan ng alkalde at doon na natagpuang duguan si Blanco, aniya.
Ayon kay Supt. Janet Rafter, tagapagsalita ng Cebu provincial police, natutulog si Blanco sa munisipyo nang maganap ang insidente.
Tinitingnan ng mga imbestigador ang iba-ibang anggulo, kabilang ang pagsasapubliko ni Pangulong Duterte sa pangalan ni Blanco at iba pang politikong sangkot umano sa iligal na droga, para malaman ang motibo ng pagpatay, sabi ni Rafter nang kapanayamin ng Bandera sa telepono.
Noong Nobyembre, matatandaang tinanggalan ng National Police Commission si Blanco at ilan pang alkalde ng kapanyarihang pangasiwaan ang pulisya, dahil sa diumano’y kinalaman sa iligal na droga o pag-abuso ng kapangyarihan.
Di pa matiyak ng pulisya kung nagsimulang matulog si Blanco sa munisipyo matapos pangalanan sa “narco-list” ng pangulo.
“We cannot really confirm since when siya nagsimulang matulog doon, but accordingly he has been sleeping there for quite some time,” ani Rafter.
Ayon pa kay Rafter, tinitingnan din ng mga imbestigador ang posibleng kaugnayan ng pagpatay kay Blanco sa naunang pagpaslang sa kanyang pamangkin na si Ronda Vice Mayor John Ungab, sa Cebu City noong Pebrero.
Si Ungab, isang abogado, ay dating nasilbing counsel ni Kerwin Espinosa, na una nang umamin bilang isa sa mga drug lord ng Visayas.
Ama ni Espinosa si Rolando Espinosa, ang alkalde ng Albuera, Leyte, na napatay sa raid ng pulisya sa loob ng Baybay City Jail noong Nob. 5, 2016.
Isinagawa ang raid ilang buwan matapos ni sumuko ni Rolando sa mga awtoridad, matapos din siyang pangalanan ni Pangulong Duterte sa narco-list.