Lakas ng kababaihan

NAGBABAGO na nga ang istura ng Philippine sports.
Biruin nyo nga naman, ang mga nagbida para sa bansa sa katatapos na 18th Asian Games sa Jakarta at Palembang sa Indonesia ay mga babae.
Kalimutan muna si Jordan Clarkson at ang mga naglalakihang pangalan sa volleyball na pinaglaruan ng mga kalaban. Walang duda na ang mga bida Asian Games para sa Pilipinas ay sina Yuka Saso, Bianca Pagdanganan at Lois Go ng golf, Rio Olympics silver medalist at Hidilyn Diaz ng weightlifting at skateboarder Margielyn Arda Didal na alam na ng lahat ay mula sa mahirap na pamilya sa Cebu.
Anyare sa mga lalaki?
Kung Peks Man ang tatanungin, hindi naman ito nakakapagtataka sapagkat palaban at mahuhusay din naman ang mga kababaihan.
Dahil dito, iniuutos ng inyong abang lingkod na tayong mga haligi ng tahanan paminsan-minsan ang dapat maglaba, magluto, maglinis ng bahay, magbantay sa mga bata, mag-plantsa at iba pa samantalang hayaan nating maglamyerda paminsan-minsan ang mga Ilaw ng Tahahan.
Nyahahahaha!
Boses ng atleta
Nais ko ring ipabatid ang walang katapusang paghanga kay Hidilyn na may kakayahang maging lider at boses ng mga atleta. Walang pangamba si Hidilyn na sabihin ang kanyang saloobin lalo’t pinag-uusapan ang tunay na estado ng mga atletang Pinoy at sitwasyon ng Philippine sports dala na rin ng sobrang pamumulitika ng mga nagsasabing sila ay mga sports leaders.
Malayo pa ang kayang lakbayin at liparin ng sarhento mula sa Philippine Air Force at nais niyang sa kanyang pag-angat ay umangat din ang ibang mga atletang katulad niya.
eSports hawak ng GAB
Dahil sa nakakalulang kasikatan ng electronic sports o virtual gaming ngayon na nagreresulta sa sangkatyerbang isponsor at makatulo-laway na mga pa-premyo, nararapat lang na magkaroon ng regulasyon mula sa Games and Amusement Board (GAB) na pinamumunuan ngayon ni Abraham ‘Baham’ Mitra.
Ang eSports ang pinakabagong pro-sport ngayon hindi lamang dito sa Pinas kundi sa buong mundo. At dahil itinuturing na itong isang propesyonal ay tama lamang na isailalim ito sa GAB.
Wala itong problema sapagkat mismong ang komunidad ng eSports ang humihingi ng basbas sa GAB upang bigyan ng permiso ang mga torneo at magkaroon ng lisensya ang mga nahuhumaling dito.
Pinangasiwaan ng GAB ang Globe Conquerors Manila 2018 sa MOA Arena kamakailan. Tumataginting na $100,000 ang iniuwi ng kampeong Ascension Gaming ng Thailand.
“Sa 2020 Tokyo Olympics, kasama na rin ito sa sports calendar. Sa galing ng ating mga manlalaro, malaki ang tyansa natin dito. Finally, baka dito magmula ang matagal na nating hinihintay na Olympic gold,” ani Mitra.
Kasali na kasi ang eSports sa Olympics at sa mga darating pang Asian Games.
Children’s Games
Nais ng Philippine Sports Commission sa pangunguna ni William ‘‘Butch’’ Ramirez na maging katuwang ng ahensya ang Diocese ng Mati at iba pang mga simbahan sa rehiyon ng Davao para sa pagsasagawa ng Children’s Games.
Bakit naman hindi? Hindi ba’t ang palakasan ay malaki ang maitutulong upang mabuo ang magandang ugali ng isang bata na syut na syut sa layunin ng simbahan na turuan ang mga bata ng kagandahang asal tulad ng paggalang sa mga matatanda, pagtanggap sa pagkatalo at siyempre numero uno ang pagsunod sa Poong Maykapal.
Maganda ang naging resulta ng pulong ni Ramirez kay Diocese of Mati Bishop Abel Apigo at ang mga kaparian.
Bagamat gagawin sa mga simbahang katoliko, klinaro ni PSC consultant Dr. Serge Opeña na bukas pa rin sa mga hindi katoliko ang palaro na nakakuha ng paghanga mula sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).
‘‘We will have Children’s Games in dioceses of Mati, Tagum, Davao del Sur and Samal. Let’s start it here first before we think of replicating it in Luzon and the Visayas,’’ ani Ramirez.
Dagdag ni Opena: ‘‘The government and the parish priests and catechists will work together for the benefit of the children).’’

Milo Little Olympics at 49th WNCAA
Sagana sa mga paligsahan ang mga kabataang Pinoy at maging ang mga kababaihan sa bansa. Ang talagang nagiging problema lang ay ang pagpapatuloy ng programa upang umakyat sa mas mataas na pamantayan ang mga atleta.
Matagumpay ang simula ng 31st MILO Little Olympics sa Marikina Sports Park para sa NCR at South Luzon leg nito noong Agosto 24. Sinundan ito ng Visayas leg nitong nagdaang weekend sa Cebu.
Ang North at Central Luzon Leg naman ay sa Setyembre 7-9 sa Baguio Athletic Bowl at ang Mindanao Leg ay isasagawa sa Setyembre 21-23 sa Don Gregorio Pelaez Sports Complex sa Cagayan de Oro City.
Ang Milo Little Olympics ay nilalahukan ng mga batang atleta mula sa elementary at secondary level.
Nakatutuwa rin ang Women’s NCAA na talagang nakapokus sa mga kababaihan.
Isipin niyong ito na ang ika-49 taon ng liga.
Host ngayong season ang St. Paul College-Pasig. Ito ang unang pagkakataon na host ang SPC-Pasig mula noong sumali sa liga noong 2013.
Ang mga paglalabanan dito ay basketball, volleyball, cheerdance (midgets), cheerleading (seniors and juniors), badminton, futsal, taekwondo (poomsae & kyorugi), softball, swimming, lawn tennis, table tennis at ang pinakabagong event na hiphop dance.

Read more...