3-0 start target ng Brgy Ginebra

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. San Miguel vs Blackwater
7 p.m. Ginebra vs NorthPort
Team Standings: Magnolia (2-0); Barangay Ginebra (2-0); San Miguel (1-0); Blackwater (1-0); Alaska (3-1); Phoenix (3-1); NLEX (3-2); TNT (2-4); Meralco (1-2); NorthPort (0-3); Columbian Dyip (0-5); Rain or Shine (x-x)
PUNTIRYA ng Barangay Ginebra na mapanatiling malinis ang karatda nito sa pagsagupa sa wala pang panalong NorthPort ngayong gabi sa 2018 PBA Governors Cup sa Araneta Coliseum, Cubao, Quezon City.
Matapos na makopo ang kampeonato sa Commissioner’s Cup ay binuksan ng Gin Kings ang kasalukuyang torneyo sa pagtuhog ng dalawang panalo laban sa Columbian Dyip, 96-84, noong Agosto 31 at Alaska Milk, 109-101, nitong Linggo.
Patuloy na sinasandigan ng Gin Kings ang resident import na si Justine Brownlee na umiskor ng 45 puntos kontra Alaska.
Patuloy naman ang paghihingalo ng Batang Pier na nakalasap ng tatlong sunod na kabiguan sa pagsisimula ng torneyo. Gayunman, makakasama na ngayon ng NorthPort sina Stanley Pringle at Sean Anthony.
Si Pringle ay ipinahiram ng Batang Pier sa Pambansang koponan na lumaban sa katatapos na 18th Asian Games habang si Anthony naman ay galing sa isang injury.
Itinakda ang sagupaang ito ganap na alas-7 ng gabi.
Una munang magtatapat at maghihiwalay ng landas sa ganap na alas-4:30 ng hapon ang San Miguel Beer at Blackwater Elite na kapwa may 1-0 kartada.
Kahit wala sa lineup ng Beermen ang four-time Most Valuable Player na si June Mar Fajardo na may iniindang injury ay llamado pa ring maituturing ang San Miguel sa Blackwater.
Ang Beermen ay pangungunahan ngayon nina Christian Standhardinger, Alex Cabagnot, Arwind Santos Marcio Lassiter at import AZ Reid. —Angelito Oredo

Read more...