SA halip na umangal kapag tumataas ang presyo ng bilihin, payo ni Senador Cynthia Villa na magtanim na lamang ng maiuulam ang mga Pinoy, at huwag puro reklamo.
Ayon kay Villar sa kanyang itinayong farm school ay libre ang tanghalian. Pero nakadepende ang kakainin nila sa kung anong aanihin sa itinanim nilang gulay.
“Sa aming menu pag hinarvest puro sitaw puro sitaw ang ulam namin. Pag hinarvest puro upo, puro upo ang ulam the whole week, ganun talaga eh. Kung anong harvest yun ang ulam,” ani Villar sa kanyang pagharap sa #MeetInquirer Multi Media Martes ng umaga.
Sinabi ni Villar na isa sa mga problema sa mga Pilipino ay puro reklamo pero kulang sa gawa.
“Kung ako ang tatanungin mo ang problema ng mga Pilipino, kaya naman nila mag-produce ng kakainin nila sa bahay nila bakit hindi pa nila i-produce, complain sila ng complain sa prices.”
Isinusulong ni Villar ang gulayan sa paaralan at ang ginamit niyang modelo ay isang pampublikong paaralan sa Iloilo.
“There is a school there na tinuruan nila yung mga bata magtanim and then every lunch time yung mga mother pumupunta dun niluluto yung harvest, pinapakain sa mga bata. Na-solve nila yung malnutrition by themselves…. hindi na sila aasa sa national government to provide for them.”
Sa mga bahay ay maaari umanong gulay ang itanim sa halip na mga halamang namumulaklak.
“Imbes na magtanim tayo ng mga flowering plants eh di magtanim na lang tayo ng gulay edible gardening para sa ganun yung mga maliliit na bagay na kinakain natin sa araw-araw tayo na ang mag-produce para hindi tayo complain ng complain pag nagmahal si ganun pag nagmahal si ganyan.”