TNT KaTropa naungusan ang Columbian Dyip sa OT
KINAILANGAN ng TNT KaTropa ng overtime para talunin ang Columbian Dyip, 118-114, sa kanilang 2018 PBA Governors’ Cup elimination round game Linggo ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Nagsanib puwersa sina Roger Pogoy, Jayson Castro at Terrence Romeo sa dagdag na limang minuto ng laro para mapigilan ang Dyip at ihatid sa panalo ang KaTropa.
May pagkakataon sana ang TNT na magwagi sa regulation subalit sumablay ang layup ni Romeo matapos na itabla ng Columbian ang iskor sa 107-all.
Gumawa si Castro ng 25 puntos para pamunuan ang KaTropa na may limang manlalaro na umiskor ng double figures.
Nagdagdag si Romeo ng 22 puntos, si Pogoy ay nag-ambag ng double-double sa ginawang 16 puntos at 12 rebound, si Anthony Semerad ay naghatid ng 15 puntos at ang import na si Stacy Davis ay may 11 puntos para sa TNT, na umangat sa 2-4 kartada matapos putulin ang tatlong sunod na pagkatalo.
Si Jerramy King ay nagtala ng 26 puntos para pangunahan ang Columbian na nanatiling walang panalo matapos mahulog sa 0-5 record.
Muntik magtala ng triple-double si Dyip import Akeem Wright matapos kumana ng 24 puntos at tig-siyam na rebound at assist.
Nagdagdag naman si Rashawn McCarthy ng 18 puntos para sa Columbian habang si Russel Escoto ay kumamada ng double-double sa ginawang 15 puntos at 10 rebound.
Hindi rin ininda ng KaTropa ang pagkawala ni head coach Nash Racela na napabalitang ‘on leave’ matapos ang hindi magandang panimula ng koponan sa kumperensiya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.