NABIGO ang Philippine minimumweight champion na si Pedro Taduran na maagaw ang World Boxing Council belt at pigilan ang wala pang talong “Dwarf Giant” ng Thailand na mairehistro ang ika-51 diretsong panalo.
Nagwagi sa pamamagitan ng unanimous decision pagkatapos ng 12 rounds si Chayaphon Moonsri, na kilala rin bilang Dwarf Giant at Wanheng Menayothin, kahapon sa Nakhon Sawan, Thailand para mapanatili ang 105-pound belt ng WBC.
Nahigitan na ng 32-anyos na si Moonsri ang unbeaten professional record ni American boxing legend Floyd Mayweather Jr. (50-0) bagaman binabatikos siya lalo na sa social media dahil lahat ng 51 laban ni Moonsri ay ginanap sa loob ng Thailand at karamihan sa kanyang mga nakalaban ay mga hindi de-kalidad na boksingero.
Sa 51 niyang panalo, 23 dito ay laban sa mga Pilipino kabilang ang 21-anyos na si Taduran.
Sa mga unang yugto ng laban ay nadodomina ni Moonsri ang laban ngunit hindi nagpadaig si Taduran na nakipagsabayan ng suntok umpisa 9th round hanggang sa tumunog ang final bell.
Hindi ito naging sapat para maagaw ng Pilipino ang panalo.